LTO

Parusa vs 3 bus firms irerekomenda ng LTO

Jun I Legaspi May 10, 2025
24 Views

SA utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na tiyakin ang kaginhawaan ng mga pasahero sa gitna ng paglalakbay ng milyun-milyong Pilipino para sa halalan sa Mayo 12, ang Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, ay magrerekomenda ng parusa laban sa tatlong kompanya ng bus dahil sa hindi maayos na operasyon ng kanilang mga terminal sa Cubao, Quezon City.

Personal na natuklasan ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II na ang tatlong kompanya ng bus ay hindi sumusunod sa pamantayan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa isinagawa niyang surprise road worthiness inspections nitong Sabado, Mayo 10.

Personal na sinuri ni Asec Mendoza ang mga gulong at maintenance records ng mga pampasaherong bus ng tatlong kompanya upang tiyaking sumusunod ang mga ito sa mga alituntunin sa kaligtasan sa kalsada.

Ngunit sa gitna ng inspeksyon, hindi naiwasan ni Asec Mendoza na pagsabihan ang mga manager ng terminal dahil sa mababang kalidad ng kaginhawaan para sa mga pasahero.

“Passengers are the lifeblood of PUV operation, thus, they have the obligation to treat them well, including good maintenance of their facilities. Sa nakita ko sa personal kong inspection, talagang mapapailing ka na lang talaga, lalo na kapag nakita mo ang mga comfort rooms nila,” saad ni Asec Mendoza.

Ang tatlong kompanya ng bus ay Mark Eve’s Transit, Elavil, at Eagle Star.

Bagamat pasado ang tatlong kompanya sa usapin ng road safety, ayon kay Asec Mendoza, hindi naman sila pumasa sa aspeto ng kaginhawaan ng mga pasahero.

“I will personally report this to our DOTr Secretary Vince Dizon and our LTFRB Chair, Teofilo Guadiz III, for immediate action,” saad ni Asec Mendoza.

Matatandaang nauna nang ipinag-utos ni Chairperson Guadiz ang pagpapasara sa pitong terminal ng bus sa Pasay City dahil sa mga isyu ng kakulangan sa pasilidad para sa mga pasahero at kawalan ng pagsusumite ng mga dokumentong may kaugnayan sa terminal compliance.

Nauna na ring inatasan ni Asec Mendoza ang lahat ng LTO Regional Directors na paigtingin ang inspeksyon sa road safety ng mga bus at iba pang PUV terminal sa gitna ng pag-uwi ng mga Pilipino sa kanilang mga probinsya para sa halalan sa Mayo 12.