Calendar

Pasasa-ayos ng sistema ng agrikultura hiniling ni Pacquiao sa DA
HINIHILING ng tinaguriang “The people’s champ” at Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) Senatorial candidate Manny “Pacman” Pacquiao sa Department of Agriculture (DA) na kailangan nitong isa-ayos ang sistema ng agrikultura sa bansa.
Ipinaliwanag ni Pacquiao na ang kaniyang kahilingan sa Agriculture Department ay upang tuluyan ng masawata ang mga tusong “middleman” na bumibili ng ani ng mga magsasaka pagkatapos ay ipapasa naman nila sa mga consumers sa mas mataas na halaga.
Pagdidiin ni Pacquiao na ang ganitong sistema ng mga middleman ang unti-unting pumapatay sa kabuhayan ng mga magsasaka habang ito rin ang nagpapahirap sa napakaraming mamimili bunsod ng napakataas na presyo ng mga pangunahing bilhin.
Sabi ng dating senador na kaya hindi nakakapagtaka kung bakit sobrang taas ng presyo ng bigas at gulay sa mga pamilihan dahil narin sa kagagawan ng mga middleman na siyang nagdidikta sa presyo ng mga nabili nilang produkto gaya ng bigas at gulay.
Idinagdag pa ng dating eight-division world boxing champion na ang halos nakikinabang ay ang mga middleman samantalang ang mga magsasaka naman ay nananatiling kahabag-habag ang kalagayan sapagkat kakarampot lamang ang kanilang kinikita.
“Kailangan talaga ma-manage ng husto ang agriculture. Yung mga baasic commodities na araw-araw na pangangailangan ng tao dahil ang nakikinabanga na halos ay ang mga middleman,” wika nito.
Ibinahagi din ni Pacquiao ang karanasan nito kung saan ang isang magsasaka ang nabilhan ng kaniyang produkto sa halagang P50. Subalit ibinenta o ipinasa naman ng tusong middleman sa merkado ang naturang produtko ng P300 kada kilo.
“So masyadong malaki ang diperensiya kaya dapat itong i-regulate ng gobyerno. Yung pagre-release ng basic commodities sa market at dapat bilihin ng gobyerno,” sabi pa ni Pacquiao.
Dahil dito, iminumungkahi din ni Pacquiao na kailangang magkaroon ng konkretong programa ang pamahalaan sa pamamagitan ng pagbili sa mga produkto ng mga magsasaka habang ipapasa naman nila ito sa murang halaga na abot kaya ng mga ordinaryong mamamayan.