Magi

Pasasalamat sa mga tunay na bayani

32 Views

“Madalas nating binabalewala ang mismong mgabagay na higit na nararapat ng ating pasasalamat.” – Cynthia Ozick

ANG pagpapasalamat ay isang marangal na ugali. Bago kumain, ang mga Hapones ay nagsasabi ng “ itadakimas ” na ang kahulugan ay tinatanggap ng nagsasalita ang pagkain ng may pasasalamat di lang sa naghanda nito sa mesa ngunit umaabot ang pasasalamat sa mga nagtanim, nanghuli at nag-alaga ng kakainin para makarating ito sa bibig ng nagpapasalamat. Napapanahon na upang balikwasin ang kaisipan na mas matimbang ang interes ng mamimili kesa sa mga buhay ng magsasaka, mangingisda at magbubukid (ang tatlong M) ng sektor ng agrikultura.

Dapat unawain na ang mga magsasaka ang nagpagod para makakain tayo ng sariwang prutas, gulay, bigas , mais atbp.Ang mga mangingisda ang naglayag sa karagatan upang mayroon tayong mahimay na isda at iba pang lamang dagat. Ang mga magbubukid ang nag-alaga ng manok (kasama ang itlog nito at ng mga itik ) , baboy, bakaat kambing, upang mayroon tayong protina sa ating katawan . Higit pa sa mga OFW na tinatanghal na bayaning “consumer economy”, para sa akin ang tatlong M ang mga tunay na bayani na kritikal sa pagkakaroon ng sibilisasyon ng tao at malaki ang kontribusyon nila sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa. Ngunit dahil sa politika, kinokontrol ng pamahalaan ang presyo ng pangunahingbilihin na nagkokondena sa kahirapan ng tatlong M.

Sa kabila ng kahalagahan ng sektor, ang patakarang pang-agrikultura ay hayagang hindi matagumpay sa pagpapasiklab ng dinamikong pag-unlad. Habang ang pangkalahatang ekonomiya ay nanatili sa isang “sustained growth trajectory” na 6.4% na paglago sa pagitan ng 2016 at 2019, ito ay pinapagana lang ng sektor ng industriya at mga serbisyo. Ang paglago ng sektor ng agrikultura ay anemic- 1.3% sa panahong iyon. Ang kabuuang factor productivity (TFP) sa agrikultura ay hindi ganap na walang kilos—tumataas ito ng humigit-kumulang 32% sa loob ng dalawang dekada—ngunit ang paglagong ito ay napakabagal kumpara sa paglago ng TFP sa Vietnam (73%), Indonesia (50% ), at Thailand (67%) (Transforming Philippine Agriculture During Covid-19 and Beyond, World Bank September 9,2020)

Sinabi ni Ndiame Diop, World Bank Country Director ng Brunei, Malaysia, Thailand, at Pilipinas na “ang pagpapamoderno sa sektor ng agrikultura ng bansa ay isang napakahalagang agenda para sa Pilipinas. Maliban sa ilang maliliit na bansang mayaman sa likas na yaman, walang bansa ang nagtagumpay na lumipat mula sa “middle-to high-income status” nang walang epektibong pagbabago sakanilang “agri-food system” …” Ang ulat ay nagsasabi na ang mga interbensyon tulad ng farm consolidation (kabilang ang mga cooperative farming), dibersipikasyonsa mga “high value crops” (HVC), mas mahusay na“extension services”, “e-commerce,” at mga pamumuhunansa agribusiness start-up ay painitin pa.

Ang “bagong pag-iisip” ng Kagawaran ng Agrikulturana nag-umpisa noong 2020 sa pamamagitan ng mga istratehiya ng paglipat mula sa obsesyon sa iilang partikularna pananim (palay at asukal) patungo sa pagpaparami ng HVC, pagiging mapagkumpitensya, at pagpapanatili ng masiglang sektor sa kanayunan na bida ang tatlong M nainaasahan aahon sa kahirapan ay dapat na paspasan at patindihin ang pagpapatupad.

“Ang mga pagbabago sa paradaym na ito ay magiging mahalaga upang matugunan ang mga umuusbong na domestik at pandaigdigang mga pagkakataon sa merkado, habang lumilikha ng mga trabaho, pagtaas ng kita ng mgamagsasaka at tinitiyak ang mga pangangailangan sa seguridad sa pagkain ng bansa at matugunan ang mga bagong hamon ng pagbabago ng klima,” sabi ni Dina Umali-Deininger, World Bank Practice Manager para saAgrikultura at Pagkain para sa Silangang Asya at Pasipiko.

Ang taos-pusong pagpapasalamat sa mga magsasaka, mangingisda at magbubukid sa kanilang mahalagang kontribusyon sa ekonomiya ng bansa ay dapat tapatan ng Kagawaran ng Agrikultura ng maliksi, masigla at sinasadyang mga kilos na pinapatnubayan ng kaisipan na ang tatlong M, tulad din ng mga mamamayang magugutom kung walang sapat at masustanyang pagkain, ay may kaparehas na karapatang guminhawa at umunlad ang buhay. Ni Magi Gunigundo