Statement

Pasay police chief: Walang convoy

Edd Reyes May 16, 2026
23 Views

NAGKATAON lang o “coincidence” ang paglabas sa compound ng Senado ng police mobile, kasunod ng hinihinalang sasakyang lulan sina Senators Ronald “Bato” Dela Rosa at Robin Padilla.

Paliwanag ni Pasay police chief P/Col. Joselito De Sesto, siya ang sakay ng police mobile, at hindi nila inecortan ang unang itim na sasakyan na hinihinalang ginamit sa pagtakas ni Sen. Dela Rosa na nakita sa video nang lumabas ng compound.

Sinabi ng opisyal na hindi rin nila alam kung sino ang sakay ng naunang sasakyan nang lumabas sila sa gate ng Senado dakong alas-3:00 ng madaling araw noong Biyernes, Mayo 14, kung saan napaulat na nakatakas si Dela Rosa, kasama ang kapuwa Senador na si Robin Padilla.

Bahagi aniya ng kanilang police operations sa lugar ang pagpunta niya sa Senado at pagbalik na muli sa Pasay Police Station at wala itong kaugnayan sa aumang sinasabing sinusundan o binabantayan nilang sasakyan.

Wala rin aniyang anumang koordinasyon sa kanya o kaninuman sa kanyang kasama sa police mobile kung sino ang mga sakay ng nasundan nilang itim na sasakyan palabas ng compound.

Hiwalay din aniya ang direksiyong tinahak nila patungo sa gawi ng World Trade Center dahil bumalik na sila sa kanyang tanggapan ng istasyon ng pulisya sa gilid ng Pasay City Hall.