Edd Reyes

Pasiya ng House Appropriations Committee na tapyasin budget ni VP Sara makatuwiran

Edd Reyes Nov 6, 2024
183 Views

POSITIBO ang reaksiyon ng nakararami sa naging pasiya ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na tapyasan ang hinihinging budget ni Vice President Sara Duterte sa susunod na taon.

Makatuwiran ang naging pasiya ng House Appropriations Committee, na sinang-ayunan ng buong kapulungan, na bawasan ang hinihinging P2.037 billion budget ni VP Sara at gawin na lang itong P733.198 million.

Nangangahulungan na tatapyasan ng halos P1.3 billion ang budget ng bise presidente para ilaan ang P646.5 million sa Department of Social Welfare Department (DSWD) at ganito ring halaga sa Department of Health (DOH).

Katuwiran kasi ng tanggapan ng bise presidente sa paghingi ng napakalaking budget ay dahil nagpapahatid sila ng tulong pinansiyal sa mga maralitang nangangailangan at may problemang pang-kalusugan bukod sa may mga iskolar silang tinutustusan.

Pero sabi ng Kongreso, ang lahat ng ito ay ginagawa rin ng tamang ahensiya ng pamahalaan gaya ng DSWD at DOH kaya nadodoble-doble lang gastos sa kaban ng bayan. Makakatipid pa ang gobyerno sa paglilipat ng pondo sa tamang ahensiya lalu’t ang mahal pa ng 10- inuupahang satellite offices at dalawang extension offices ng OVP na umaabot sa P53 million noong nakaraang taon.

Noong panahon ni VP Leni Robredo, bukod sa wala siyang hininging confidential fund, hindi rin umabot ng ganito kalaking halaga ang inupahang satellite office ng OVP.

Nasilip ng mga kongresista ang paglobo ng hinihinging budget ni VP Sara nang tumanggi siyang sagutin kung papaano niya ginastos noong taong 2022 ang P125 million confidential funds sa loob ng 11-araw, P16 million dito ay ibinayad niya sa inupahang mga safe houses na mayroon P1 million kada araw na mas mahal pa sa pinaka-prestihiyosong hotel sa Pilipinas.

Kaya lang, ang pagtatapyas sa budget na hinihingi ni VP Sara ay tatalakayin pa sa Senado, kaya sabi ng marami, sana raw ay hindi dagain ang mga Senador sa pagbusisi sa budget ni VP Sara para naman makatipid ang gobyerno ng pondo lalu’t ngayon kinakailangan ng DSWD ang malaking budget dahil sa sunod-sunod na kalamidad na dulot ng mga nagdaang bagyo.

Mga inaakusahan ng panggagahasa, tagilid sa ruling ng Korte Suprema

SA mga inilabas na desisyon ng Korte Suprema sa mga usaping may kinalaman sa panghahalay, lamang ang dami ng paborableng desisyon sa mga biktima kumpara sa mga napapawalang sala.

Paniwala kasi ng Korte Suprema, hindi ilalantad ng mga biktima ang sinapit na karanasan kung walang katotohanan lalu’t nakasalalay dito ang kanilang kinabukasan at kahihiyan.

Eto pa, sabi ng Korte Suprema, hindi na kailangang mapatunayan pa sa kaso ng rape ang paggamit ng puwersa, pagbabanta, o pananakot, pati na ang pagtutol ng biktima dahil hindi na ito alinsunod kasalukuyang doktrina at hindi katanggap-tanggap sa isang sibilisadong lipunan.

Kaya sa nagdaang pagdinig ng Quad Committee ng Kongreso, malamang na kahit ano pang pagkakaila ni Pastor Apollo Quibuloy sa ibinabatong akusasyon ng panggagahasa laban sa kanya, magiging mas kapani-paniwala ang pahayag ng mga biktima lalu’t pati kanilang pangalan at anyo ay isinapubliko na rin nila sa kabila ng traumatic na karanasan na umano’y sinapit nila sa kamay ng pastor.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected].