Flood Ang Coast Guard Sub-Station Nasugbu ay nakipagtulungan sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, Bureau of Fire at Philippine National Police ng Nasugbu para sa rescue operations sa Nasugbu, Batangas, bunsod ng pananalasa ng tropical storm Kristine. Tinutulungan ng joint rescue teams ang mga apektadong mamamayan. Larawan mula sa Philippine Coast Guard

PATAY KAY ‘KRISTINE’ UMAKYAT!

147 Views

UMAKYAT na sa 46 katao ang nasawi sa pananalasa ng severe tropical storm Kristine sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ito ay batay sa pinakahuling ulat nitong Biyernes ng Office of Civil Defense (OCD).

Karamihan sa mga nasawi ay mula sa Bicol Region na nakapagtala ng 28, sinundan ito ng Calabarzon na may 15 katao ang patay, habang tig-isa naman ang naiulat na nasawi sa Ilocos Region, Central Luzon at Zamboanga Peninsula.

Sa datos ng OCD, 20 ang nawawala at pito ang nasugatan dahil sa hagupit ng bagyo.

Iniulat din ng OCD na tuloy-tuloy ang ginagawang pagsagip ng mga rescue workers sa mga residenteng nananatiling lubog sa baha.

Sa ngayon, marami pa rin ang nananatili sa bubungan ng kanilang bahay dahil sa taas ng baha na dulot ng pananalasa ng bagyong Kristine.

Ayon kay Police Regional Office (PRO) 5 Director, Brig. Gen. Andre Dizon, hindi pa rin humuhupa ang bilang ng mga taong humihingi ng tulong.

Isa sa mga nakikitang problema ng mga awtoridad kung bakit bumabagal ang rescue operation ay ang kakulangan ng mga rubber boats na gagamitin.

Samantala, iniulat naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na umabot na sa P24.9 milyon ang kabuuang halaga ng pinsala sa agrikultura at imprastraktura ng bagyo.

Sa inilabas na update ng NDRRMC, nasa P15.2 milyon ang pinsala sa imprastraktura ng bagyo habang nasa P9.7 milyon naman ang sa agrikultura.

Ayon sa NDRRMC, pinakamalaking pinsala ang naitala sa Bicol na umabot sa P15,000,000.

Lumobo na rin sa 2,656,446 tao na katumbas ng 569,524 pamilya ang naapektuhan ng bagyo.

Karamihan sa mga ito ay mula sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Soccsksargen, Caraga, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at Cordillera Administrative Region (CAR).