Martin Speaker Ferdinand Martin Romualdez

‘Pati gulay, dapat abot-kaya!’: Speaker Romualdez pinatututukan presyo ng gulay

Mar Rodriguez Mar 2, 2025
18 Views

KASUNOD ng kanyang matibay na paninindigan na mapababa ang presyo ng bigas alinsunod sa mga programa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., iginiit ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na dapat ding maging abot-kaya para sa ordinaryong pamilyang Pilipino ang presyo ng mga gulay at nanawagan ng agarang aksyon kaugnay nito.

Sinabi ni Speaker Romualdez, isang abogado mula sa University of the Philippines (UP), na ang pagpapababa ng presyo ng pagkain ay isang pambansang prayoridad at kasama rito ang gulay na bahagi ng kampanya ng gobyerno upang magkaroon ng seguridad sa pagkain ang bansa.

“Hindi lang bigas ang dapat nating tutukan—paano naman ang gulay? Araw-araw na pangangailangan ito ng bawat pamilyang Pilipino. Kailangan nating tiyakin na may sapat, abot-kaya, at masustansiyang pagkain sa hapag-kainan ng bawat Pilipino,” saad ng lider ng Kamara na mayroong 306 kinatawan.

Batay sa pinakahuling datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) ang pabago-bagong presyo ng gulay. Noong Pebrero 2025, ang karaniwang presyo ng tinging kamatis ay nasa ₱109.94 bawat kilo, bumaba mula sa ₱158.67 noong huling bahagi ng Enero.

Gayunpaman, ang presyo ng pulang sibuyas ay tumaas sa ₱162.69 bawat kilo mula ₱153.70, habang ang kalamansi ay tumaas sa ₱86.63 bawat kilo mula ₱81.61.

Ayon kay Speaker Romualdez, ang mga pagbabago sa presyo ay nagpapahirap sa badyet ng pamilyang Pilipino kaya dapat itong mapababa at mapanatiling abot-kaya.

Tinukoy ni Speaker Romualdez ang mga pangunahing dahilan ng mataas na presyo ng gulay, kabilang ang mahinang imprastraktura sa agrikultura, hindi epektibong transportasyon mula sakahan patungo sa pamilihan, at kakulangan ng pasilidad para sa pag-iimbak pagkatapos ng ani.

“Mas mataas ang gastos sa produksiyon at pagbiyahe ng gulay mula probinsiya papuntang pamilihan. Masyadong maraming middlemen ang kumikita, pero ang magsasaka nalulugi at ang mamimili nagdurusa sa mahal na presyo. Hindi ito makatarungan,” paliwanag niya.

Muling iginiit ng pinuno ng Mababang Kapulungan na ang pamumuhunan sa imprastraktura ng agrikultura ang susi sa pagpapababa ng presyo ng gulay.

Binanggit niya ang kasalukuyang mga hakbangin ng Department of Agriculture (DA) upang pagandahin ang mga farm-to-market road at pasilidad sa imbakan, na makakatulong upang mabawasan ang mga pagkalugi matapos ang ani at mapatatag ang suplay.

Binigyang-diin din ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng pagsigurong makarating nang maayos sa mga pamilihan ang lokal na ani upang maiwasan ang sobrang pag-asa sa mahal na imported na gulay.

“Kailangan nating palakasin ang ating sariling ani. Kung puro imported na gulay ang ibabaha sa merkado, paano naman ang ating mga magsasaka? Ang solusyon ay hindi puro pag-aangkat, kundi pagpapalakas ng ating sariling produksyon,” aniya.

Bukod sa imprastraktura, isinusulong niya ang mas malaking puhunan sa modernisasyon ng teknolohiya sa pagsasaka upang mapalakas ang lokal na ani ng gulay.

Kabilang dito ang mas malawak na access sa de-kalidad na binhi, subsidiya sa pataba, at tulong-pinansyal para sa maliliit na magsasaka.

“Dapat siguruhing may sapat na suporta ang mga nagtatanim ng gulay para hindi sila nalulugi. Hindi natin kailangang umasa sa mahal na imported na produkto kung kaya nating itanim at ibenta ito sa mas murang halaga,” dagdag niya.

Nanawagan din ang abogado at pinuno ng Mababang Kapulungan para sa mas mahigpit na pagsubaybay sa presyo at regulasyon upang matiyak ang patas na presyo sa farmgate para sa parehong mga magsasaka at mamimili.

“Kung mura ang bili sa magsasaka pero napakamahal pagdating sa palengke, may mali. Kailangang tiyakin natin na patas ang kita ng ating mga magsasaka habang abot-kaya ang presyo para sa mamimili,” ani Speaker Romualdez.

Bilang bahagi ng pangmatagalang solusyon, hinimok niya ang mas matibay na pakikipagtulungan sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno, mga lokal na pamahalaan, at pribadong sektor upang makabuo ng isang sustenableng sistema ng pagpepresyo ng pagkain.

Nanawagan siya sa National Price Coordinating Council (NPCC) at sa DA na magsagawa ng regular na pagsusuri ng mga patakaran upang matiyak ang epektibong mga hakbang sa pagpapatatag ng presyo ng gulay.

“Hindi natin ito puwedeng iwanan sa merkado nang walang malinaw na plano. Mula sa pagtatanim hanggang sa bentahan sa palengke, dapat may tamang regulasyon,” binigyang-diin niya.

Muling tiniyak ni Speaker Romualdez ang kanyang dedikasyon sa pagpasa ng mga panukalang batas na magpapatibay ng pangmatagalang solusyon sa pagtaas ng presyo ng pagkain.

Kabilang sa mga ito ang pagpapabuti ng mga patakaran sa paggamit ng lupa para sa pagtatanim ng gulay, pagbibigay ng insentibo sa mga kooperatiba ng agrikultura, at mas mahigpit na pagbabantay sa mga aberya sa suplay ng pagkain, ayon kay Speaker Romualdez.

“Sisiguraduhin nating may sapat, abot-kaya, at masustansiyang pagkain sa bawat hapag-kainan,” pagtatapos ni Speaker Romualdez.