BBM1

Patuloy na upgrade ng PCG tiniyak ni PBBM

161 Views

TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magtutuloy-tuloy ang pag-upgrade sa kakayanan ng Philippine Coast Guard (PCG) na siyang pangunahing nagbabantay sa West Philippine Sea (WPS).

Ginawa ni Pang. Marcos ang pahayag matapos ang isinagawa nitong inspeksyon sa PCG vessel BRP Malabrigo na bahagi ng mga aktibidad para sa ika-122 Founding Anniversary ng PCG na may temang “Sailing Together in Unity and Harmony.”

“Well, ito ‘yung mismong barko na na-water cannon. Kaya’t makikita naman natin na nag-i-increase ang ating capability para makapag-defend sa sovereign maritime territory ng Pilipinas,” ani Pang. Marcos.

“We are continuing with the upgrading of the equipment and the training and the capabilities of all our people, especially the Coast Guard, not only because they are on the frontline in the problems now that we’re facing in the West Philippine Sea but also because of the very important function that they play when it comes to search and rescue, when it comes to maritime incidents, when it comes to even disaster assistance, marami silang ginagawa,” dagdag pa nito.

Ang BRP Malabrigo ay ginamitan ng water cannon ng Chinese vessels noong Agosto habang ginagabayan ang mga bangka na magdadala ng suplay sa mga sundalo na nakadestino sa BRP Sierra Madre malapit sa Ayungin Shoal sa WPS.

Ayon sa Pangulo plano ng gobyerno na bumili ng 40 pang sasakyang pangdagat ng PCG para mapalakas ang kakayanan nito.

Ang BRP Malabrigo ay isang Japanese-built 44-meter (144-foot) patrol ship.

“The Philippines is lucky as we have many friends around the world and marami sa ating mga kaibigan na karatig bansa at kahit na ‘yung galing sa malalayo ay tinutulungan tayo para pagandahin at patibayan ang ating Coast Guard,” sabi ni Pang. Marcos.