Zubiri Pinangunahan ni Senador Miguel Zubiri ang ginawang pagdinig sa pagpaliban ng eleksyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao nitong Pebrero 5, 2026. Kasama din si COMELEC Chairman George Erwin Garcia at Secretary Carli to Galvez Jr. ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconcialation and Unity (OPPARU). JOSEPH MUEGO

Paulit-ulit na pagpapaliban ng BARMM polls tapusin na — Zubiri

157 Views

NANAWAGAN nitong Huwebes si Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” F. Zubiri sa mga mambabatas na suportahan ang agarang pagpasa ng Senate Bill No. 1587 na nagtatakda ng unang regular na halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa loob ng taon.

Si Zubiri, na may-akda at sponsor ng Bangsamoro Organic Law, ay nagsabing matagal nang ipinagkakait sa mga residente ng rehiyon ang kanilang karapatang bumoto at makilahok sa pamamahala dahil sa paulit-ulit na pagpapaliban ng halalan.

“Matagal nang dapat maisagawa ang halalan. Isang kawalan ng katarungan sa ating mga kababayan ang manatiling wala silang boses sa pagpili ng sarili nilang mga lider at walang kapangyarihang hubugin ang direksiyon ng kanilang kinabukasan,” pahayag ni Zubiri.

Binigyang-diin niya na ang muling pagpapaliban ng halalan ay maaaring magdulot ng kaguluhan at pagkadismaya ng publiko at makasira sa mga pagsisikap para sa kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.

Ayon kay Zubiri, tututok ang komite ng Senado sa pagtukoy sa mga problemang humahadlang sa pagsasagawa ng halalan at sa pagbalangkas ng mga solusyon upang maisagawa ang eleksiyon sa Bangsamoro sa lalong madaling panahon ngayong taon.