Paolo

Pay hike para sa mga public social workers iminungkahi

Mar Rodriguez May 15, 2023
204 Views

ISINUSULONG ng isang Mindanao congressman ang pagpapataas sa sahod ng mga public social workers o magkaroon ng “pay hike” bilang pagkilala sa kanilang walang kaparis at hindi matatawarang serbisyo para paglingkuran ang mahihirap at iba pang naghihikahos na mamamayan.

Inihain ni Davao City 1st Dist. Congressman Paolo “Polong” Z. Duterte ang House Bill No. 7573 sa Kamara de Representantes na naglalayong magkaroon ng salary hike o entry-level pay para sa mga public social workers mula Salary Grade 10 na nagkakahalaga ng P23,176. Nais ng mambabatas na gawin itong Salary Grade 13 na may katumbas na P31,320.

Sinabi ni Duterte na ang kaniyang panukalang batas ay nag-aaplay o epektibo para sa lahat ng rehistradong social workers sa government service. Kasama na dito ang mga kinuha o na-hire sa pamamagitan ng “job order” o ang tinatawag na contract service o nagre-renew ng kanilang kontrata.

Itinuturing din ni Duterte ang mga public social workers bilang mga bagong bayani dahil sa kanilang napakalaki, hindi matatawaran at hindi kayang tumbasang serbisyo para sa mamamayan na nangangailangan ng kanilang tulong.

“Public social workers go through extreme lengths to make our citizens feel the governments presence and assistance. And it is only appropriate to establish necessary measures to recognize their heroic deeds and invaluable dedication,” paliwanag ni Duterte.

Ayon kay Duterte, bagama’t napagtibay at naisabatas na ang Republic Act No. 9433 o ang Magna Carta for Public Social Workers Act. Subalit binigyang diin ng mambabatas na wala pa rin naibibigay ng insentibo para sa kanila bilang mga empleyado ng gobyerno.

Ikinagalak naman ng House Committee on Poverty Alleviation ang pagsusulong ng isang panukalang batas na makakatulong hindi lamang para sa mga mahihirap na Pilipino. Bagkos pati narin sa mga public social workers na tumutulong sa kapakanan at kagalingan ng mga maralitang mamamayan.

Sinabi ni 1-PACMAN Party List Congressman Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., na nararapat lamang na mabigyan ng kaukulang insentibo ang mga social workers sapagkat ang pagbibigay nito sa kanila ay isang indikasyon ng pagkilala ng pamahalaan sa kanilang napakalaking kontribusyon.

Ikinatuwiran ni Romero na ang mga public social workers ang kalimitang tinatakbuhan ng mga mahihirap na mamamayan sa oras ng kanilang pangangailangan sa mga government hospitals. Kung saan, ang problemang inilalapit nila ay ang kawalan ng pambayad sa ospital.

Ayon kay Romero, ang mga social workers ay hindi naiiwasang nagiging “shock absorbers” o taga-salo ng mga problema ng maralitang mamamayan sa panahon ng emergency sa mga pampublikong ospital. Subalit kakarampot lamang aniya ang benepisyong naibibigay sa kanila.