Pastor Quiboloy

Payo ni PBBM kay PACQ: Makipag-usap ka sa korte

Chona Yu Sep 4, 2024
76 Views

PINAYUHAN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apollo Quiboloy na sa korte na lamang makipag-usap kaugnay sa mga kinakaharap nitong kaso.

Tugon ito ni Pangulong Marcos sa demand ng abogado ni Quiboloy na dapat na magkaroon ng written guarantee ang punong ehekutibo na ibibigay siya sa kostudiya ng Amerika dahil sa kasong kinakaharap na sex trafficking.

Sa ambush interview, sinabi ni Pangulong Marcos na mistulang hindi alam ni Quiboloy ang proseso ng warrant of arrest.

Sabi ni Pangulong Marcos, ang trabaho lamang ng kanilang hanay ay arestuhin si Quiboloy.

“Parang hindi niya yata masyadong naintindihan ang proseso ng pag — pagka nag-issue ang korte ng bench warrant or warrant for arrest, it is out of our hands already. It is in the courts’ hands,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“Kailangan ang kausap niya ang korte. Dahil ang executive, ang papel lang namin ngayon ay arestuhin siya. So, all of these conditions that he’s putting in are immaterial,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Ilang araw nang nagsasagawa ng operasyon ang mga pulis sa compound ng KOJC sa Davao City subalit hanggang ngayon hindi pa rin naaresto si Quiboloy.