Castro

PBBM admin tiniyak na walang malawakang brownout

303 Views

TINIYAK ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. na hindi mararanasan ng mga Pilipino ang malawakang brownout sa gitna ng hamon sa suplay ng fuel dahil nakaantabay na ang serye ng hakbang para siguraduhin ang tuloy-tuloy na kuryente sa buong bansa.

Sa briefing ng Malacañang, sinabi ni Claire Castro na kumikilos na ang Department of Energy para palakasin ang power supply, kabilang ang paggamit ng mas murang fuel at pagpapalawak ng sources gaya ng coal at renewable energy.

Para masigurong sapat ang suplay, pansamantalang in-adjust din ang galaw sa electricity market upang mapabilis ang paggamit ng iba’t ibang energy sources, kabilang ang gas mula sa Malampaya gas field.

Dagdag pa rito, tinutulungan na rin ng gobyerno ang mga renewable energy projects na matapos nang mas maaga kung saan nasa 500 megawatts na ang tapos, at may isa pang 500 megawatts na kasalukuyang ginagawa.

Para naman sa mga isla, plano ng gobyerno na gumamit ng mas murang diesel sa pamamagitan ng National Power Corporation upang maiwasan ang brownout sa mga off-grid areas.

Kasabay nito, isang malaking development ang inanunsyo ng Pangulo—ang matagumpay na drilling ng Camago-3 well, na kayang mag-produce ng 60 million cubic feet ng gas kada araw.

Ayon sa Malacañang, makakatulong ito na pahabain ang buhay ng Malampaya at magbigay ng mas stable at mas murang kuryente sa mga Pilipino.

SOURCE: https://pco.gov.ph/news_releases/pbbm-admin-enumerates-measures-to-ensure-stable-power-supply/