BBM2

PBBM: Bawat Pilipino ang mukha ng Bagong Pilipinas

Chona Yu Jun 12, 2024
82 Views

HINIMOK ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang sambayanang Pilipino na huwag magpasiil sa mga mang-aapi.

Sa.talumpati ni Pangulong Marcos sa ika-126 taon ng Araw ng Kalayaan, sinabi nito na tungkulin ng mga Pilipino na pangalagaan ang kalayaan at huwag pasisiil sa mga banta at pagsubok na kinakaharap ng bansa.

Pinangunahan ni Pangulong Marcos ang pagtataas ng watawat at wreath-laying ceremony sa bantayog ni Dr. Jose Rizal sa Luneta kung saan dumalo rin sa pagtitipon sina First Lady Louise “Liza” Araneta-Marcos at mga anak nila na sina Ilocos Norte Representative Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos at William Vincent Marcos.

Dumalo rin ang ilang diplomatikong opisyal mula sa ibang bansa kabilang sina Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian at United States Ambassador to the Philippines Mary Kay Carlson.

“Isang karangalan ang mapabilang sa lahing Pilipino na ang mga ninuno ay magiting at nakipaglaban upang maibalik ang kasarinlan at kapayapaan sa ating bansa,” sinabi ni Marcos.

“At bilang tagapagmana ng kalayaan na tinatamasa natin ngayon, tungkulin ng bawat isa sa atin na pangalagaan ito at tiyakin na hindi na tayo kailanman magpapatinag sa banta ng pananakot, pananakop at pang-aapi,” giit pa ng punong ehekutibo.

Hinikayat naman ng Pangulo ang mga Pilipino na maging matapang, palakasin ang pagkakaisa at pagtutulungan sa pagharap sa mga pagsubok ng makabagong panahon.

Sinabi rin ni Marcos na ang mga bawat Pilipino ang mukha ng “Bagong Pilipinas,” at ang bawat mamamayan ay maaaring maging bayani sa sarili nitong paraan.

Samantala sa nasabing seremonya, ay ipinadinig ang tugtugin ng “Bagong Pilipinas” at sinambit ng mga dumalo ang panata.

Matatandaan na, inatasan ng Malacañang (sa pamamagitan ng Memorandum Circular No. 52 ) ang mga ahensiya ng pamahalaan at educational institutions na gawing bahagi ng lingguhang flag ceremonies ang pagpapatugtog ng “Bagong Pilipinas” at panata nito.