BBM Bumisita si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa National Kidney and Transplant Institute sa Lungsod Quezon para sa paglulunsad ng pinalawak na benepisyong pakete ng PhilHealth para sa mga pasyenteng nasa adult at pediatric na yugto matapos ang kidney transplant. Makikita sa larawan si Pangulong Marcos kasama sina Kalihim ng Kalusugan Teodoro Herbosa at Pangulo at CEO ng PhilHealth na si Edwin M. Mercado habang bumibisita sa mga pasyenteng adult at bata na sumailalim sa kidney transplant.

PBBM bumisita sa mga pasyenteng may CKD sa NKTI

21 Views

PERSONAL na binisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong Huwebes ang mga pasyente ng dialysis na may chronic kidney disease (CKD) sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Diliman, Quezon City.

Kaugnay ng kanyang pagbisita, inilunsad din ang bagong pinalawak na Z Benefit package ng PhilHealth para sa mga adult at pediatric na pasyente matapos ang kidney transplant.

Pagdating sa NKTI, binati ni Marcos ang mga pasyente sa Hemodialysis Center at Hemodialysis Center Extension. Dumalaw rin siya sa mga pasyenteng na-transplant na ng bato.

Sa kanyang talumpati, ipinahayag ng Pangulo ang pagpapalawak ng Z Benefit package ng PhilHealth, na una nang inilunsad noong 2012 upang sagutin ang mga medically and economically catastrophic na kondisyon, tulad ng low-risk kidney transplantation para sa mga pasyenteng nasa CKD stage 5. Kasama rito ang pre-transplant services, organ harvesting mula sa living donor, at ang mismong transplant procedure.

Ngayon, pinalawak ng PhilHealth ang benepisyo para sa mga pasyenteng sumailalim na sa kidney transplant — bata man o matanda — upang mabawasan ang gastusin, mapabuti ang kalusugan sa pangmatagalan, at mapalawak ang patas na access sa de-kalidad na serbisyong pangkalusugan.

Sa ilalim ng Universal Health Care law, pinalawak ng PhilHealth ang sakop ng hemodialysis mula 90 hanggang 156 sessions kada taon, na may halagang PHP6,350 kada session.

Itinaas rin ang Z Benefit para sa kidney transplantation: Mula sa living donor: P1.045 milyon at mula sa deceased donor: P2.146 milyon,

Ayon sa Pangulo, makikinabang rin ang mga living kidney donors sa regular na benepisyo ng PhilHealth. Sa ilalim ng parehong programa, makakatanggap sila ng P1,900 kada anim na buwan para sa laboratory testing at monitoring.

Noong nakaraang buwan, umabot sa P592 milyon ang binayaran ng PhilHealth sa NKTI mula Enero 1 hanggang Mayo 21, kung saan P161 milyon ang napunta sa mga dialysis claims.

Batay sa datos ng NKTI, isang Pilipino kada oras ang nagkakaroon ng chronic kidney failure, katumbas ng humigit-kumulang 120 bagong kaso kada isang milyong populasyon taun-taon.

Pumalo na sa 64,845 ang bilang ng mga pasyenteng sumasailalim sa dialysis noong 2023, mas mataas ng 22 porsyento kumpara sa 53,296 noong 2022.

Ayon sa datos ng Philippine Renal Disease Registry ng DOH noong Marso 2025, nangunguna ang hypertensive nephrosclerosis (33.07%) sa mga sanhi ng sakit sa bato, sinundan ng diabetic nephropathy (30.04%) at chronic glomerulonephritis (12.20%).

Samantala, tumaas rin ang kaso ng CKD sa mga bata mula 144 (9.3%) noong 2023 tungo sa 301 (12.1%) noong 2024, na may 3% pagtaas, ayon sa datos ng NKTI.