BBM2

PBBM gustong pagtibayin ugnayan ng PH, UK

140 Views

SASAMANTALAHIN umano ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagkakataon at kakausapin ang mga opisyal ng United Kingdom.

Mula sa Estados Unidos, si Pangulong Marcos ay pupunta sa London para dumalo sa koronasyon ni King Charles III sa Mayo 6.

Nais umanong maka-usap ng Pangulo si British Prime Minister Rishi Sunak kaugnay ng pagpapatibay ng ugnayan ng dalawang bansa.

“Makikipagkita ako sa kanilang bagong Prime Minister, Prime Minister Sunak upang makapag-usap kami kung mayroon bang pagbabago sa kanyang pag-iisip sa pagka… pag-partner ng UK at saka ng Pilipinas,” ani Pangulong Marcos.

“Sa palagay ko ay ganun din ang sasabihin niya na dapat papatibayin natin. At naghihingalo, hirap na hirap ang ekonomiya ng UK so baka isang bagay ‘yun na pag-uusapan namin kung papaano mag-trade, kung papaano dagdagan,” dagdag pa ng Pangulo.

Ayon sa Pangulo ang kanyang pamilya ay pinalalapag sa Gatwick Airport at gagamitin umano nito ang pagkakataon para pag-aralan ang kanilang mga ginawa para gumanda ang kanilang serbisyo at gamitin ang mga ito sa Pilipinas.

“Usually, hindi sa Gatwick ang pinupuntahan ngunit ngayon ay pupuntahan ko ‘yung Gatwick dahil titingnan ko ‘yung operation ng kanilang airport kung bagay ba ito — ‘yung mga lessons learned nila, ‘yung mga ginagawa nila, kung best practices ‘yan na puwede nating dalhin sa Pilipinas,” dagdag pa ng Marcos.

Isa sa mga prayoridad ng Pangulo ay pagandahin ang mga airport kasabay ng pagpapalakas ng turismo.