BBM5 Si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nang bumisita sa Southern Luzon Command

PBBM hinikayat mga sundalo: Manatiling nakatuon sa inyong misyon

Chona Yu Nov 29, 2024
63 Views

BBM6HINIKAYAT ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga sundalo na manatiling nakatuon sa kanilang misyon sa kabila ng mga kaguluhan at ingay sa paligid.

Ginawa ni Pangulong Marcos ang pahayag sa pagbisita Southern Luzon Command (SOLCOM) sa Camp General Guillermo Nakar sa lalawigan ng Quezon.

Ipinaalala ng Pangulo na ang trabaho ng mga sundalo ay pagandahin ang Pilipinas at hindi para makipag-away sa walang kwentang bagay.

“Huwag kayong nalilinlang sa mga nangyayari. Let’s stay focused,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“Ako, pagka maraming maingay na nangyayari, iniisip ko lagi na ano ba talaga trabaho ko? Trabaho ko ba’y makipag-away diyan? Trabaho ko ba makipagdebate diyan sa mga walang kwentang bagay? Hindi, ang trabaho ko ay pagandahin ang Pilipinas. Kayo naman, may mission din kayo,” dagdag ng Pangulo.

Binigyang-diin ng Pangulo na iisa ang misyon ng lahat at ito ay ang ipagtanggol ang sambayanan at ang Republika ng Pilipinas.

Samantala, muli ring ipinahayag ng Pangulo ang buong suporta ng administrasyon sa Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police at lahat ng tagapaglingkod sa ilalim ng SOLCOM.

Pinasalamatan din ni Pangulong Marcos ang mga sundalo sa kanilang dedikasyon at serbisyo sa bayan kung saan hinimok din silang ipagpatuloy ang kanilang mahusay na trabaho para sa mas ligtas at progresibong Pilipinas.

“Let’s keep that mission clear in our mind,” pahayag ni Pangulong Marcos.