BBM

PBBM idineklara Pambansang Araw ng Pagluluksa para kay Federico Caballero

Chona Yu Sep 3, 2024
91 Views

IDINEKLARA ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na National Day of Mourning o Pambansang Araw ng Pagluluksa ang Setyembre 3, 2024 dahil sa pagpanaw ng Manlilikha ng Bayan na si Federico Caballero.

Batay sa Proclamation No. 678 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, binanggit na ang pagpanaw ni Caballero ay isang malaking kawalan sa ating bansa, at nararapat lamang na kilalanin ang kanyang natatanging dedikasyon sa pagpapanatili ng pamana at sining ng Panay Bukidnon sa Iloilo.

“The death of Manlilikha ng Bayan Federico Caballero is a great loss to our nation, and it is appropriate to honor his outstanding commitment to the preservation of the Panay Bukidnon cultural and artistic heritage,” saad ng proklamasyon.

Dahil dito, sa bisa ng proklamasyon ni PBBM, ang watawat ng Pilipinas ay naka-half mast mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito sa lahat ng gusali at pasilidad ng pamahalaan sa loob at labas ng bansa ngayong araw, Setyembre 3, 2024.

Si Caballero na taga-Panay Bukidnon community sa Calinog, Iloilo, ay kinilala bilang Manlilikha ng Bayan noong taong 2000 dahil sa kanyang matinding dedikasyon sa pangangalaga at pagpapalaganap ng tradisyong Sugidanon ng kanilang komunidad.

Sang-ayon naman sa Republic Act No. 8491 o ang “Flag and Heraldic Code of the Philippines,” ang watawat ng Pilipinas ay dapat naka-half mast bilang tanda ng pagluluksa sa lahat ng mga gusali at lugar kung saan ito nakataas, sa araw ng libing ng isang tumanggap ng pambansang pagkilala at parangal.