Calendar
PBBM inaprubahan VAT refund program para sa mga dayuhan
INAPRUBAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang rekomendasyon ng Private Sector Advisory Council (PSAC) Tourism Sector Group na magpatupad ng Value-Added Tax (VAT) Refund Program sa mga dayuhan na bibisita sa bansa sa 2024.
Layunin ng VAT Refund Program na mahikayat ang mas maraming turista sa bansa.
Pinaboran din ni Pangulong Marcos ang rekomendasyon ng PSAC na magbigay ng e-visa simula ngayong taon sa mga residente ng China at India na nais pumunta sa bansa at pag-alis sa One Health Pass (OHP) na kabilang sa mga requirement na hinihingi sa mga dumarating sa bansa.
Isang Executive Order ang ilalabas ng Malacañang para sa tax refund program na ginagawa na rin sa ibang bansa.
Naghahanap ng paraan ang gobyerno upang mahikayat ang mga dayuhan na bumisita sa bansa bukod pa sa pagpapaganda ng mga imprasktraktura gaya ng paliparan.
Ayon sa PSAC isang mobile app na tatawaging e-Travel din ang kanilang pinaplantsa para magsama-samahin ang mga impormasyon sa immigration, customs, health, at quarantine.
Posibleng sa Pebrero umano simulan ang paggamit ng e-Travel.
Isasama rin sa app ang mga tourist destinations, transport at hotel information, at maging ang kondisyon ng trapiko.
Maaari umanong tapusin ng turista ang pagsagot sa mga impormasyon na kailangan ng app bago bumiyahe o habang nasa biyahe.