Calendar
PBBM inatasan DOJ, NBI na imbestigahan hoarding ng sibuyas
INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang hoarding ng sibuyas na dahilan kung bakit umabot ng P700 ang bawat kilo nito noong huling bahagi ng 2022.
Ang utos ng Pangulo ay nag-ugat sa imbestigasyon ng Kamara de Representantes kung saan nadiskubre ni Marikina Rep. Stella Quimbo ang umano’y kartel na kumontrol sa suplay ng sibuyas kaya tumaas ang presyo nito.
“I have just given instructions to the DOJ and the NBI to initiate an investigation into the hoarding, smuggling (and) price fixing of agricultural commodities. And this is stemming from the hearing that we’ve conducted in the House, specifically by Congresswoman Stella Quimbo and the findings that they came up with,” ani Pangulong Marcos.
Sa isinagawang imbestigasyon ng Committee on Agriculture and Food ng Kamara, nadiskubre ang umano’y pagkontrol ng Philippine VIEVA Group of Companies Inc. (PVGCI) sa suplay ng sibuyas mula sa pagtatanim, importasyon, pagtatago sa mga cold storage facility, at paghahatid nito sa mga pamilihan.
“And that is why we are going to be very, very strict about finding these people and making sure that they are brought to justice,” dagdag pa ng Pangulo.
Batay sa datos ng Bureau of Plant Industry ng Department of Agriculture mayroon lamang 7.6 porsyento ng kakulangan sa suplay ng sibuyas kaya hindi maipaliwanag ang paglobo ng presyo nito sa P700 kada kilo.