Calendar

PBBM inuna ang interes ng Pilipinas
“Hindi mo mapapasaya ang lahat, at hindi mo magagawang magustuhan ka ng lahat.”-Katie Couric
NANINIWALA tayo na hindi naging madali para sa Pangulong Marcos Jr. na magpasyang pakilusin ang puwersa ng pamahalaan para pagbigyan ang hiling na isuko ang dating Pangulong Duterte sa mga alagad ng International Criminal Court (ICC). Nakakatiyak tayo na pinag-aralan at pinagnilay-nilayan ni PBBM ang implikasyon at reaksyon ng sambayanan na aani ng papuri at paglait sa kanya. At sa huli, nanaig kay PBBM na unahin ang interes ng Pilipinas kesa sa personal na relasyon sa dating pangulo. Ang mahalagang pasyang ito ang inaasahang asal ng isang mabuting miyembro ng komyunidad ng mga bansa na sama-samang nag-iingat, nagtataguyod at nagpoprotekta sa mga karapatang pantao sa buong mundo, at hindi ito pagkakanulo sa soberanya ng Pilipinas.
Ang pag-amin ng dating pangulo na mayroon siyang Davao death squad ay kumpisal ng pagtalikod niya at ng kanyang mga alipores sa “natural law” na nakasulat sa puso ng bawat nilalangat kinikilala ng Universal Declaration of Human Rights (UDHR). Kaduda-duda ang laman ng iyong puso kung patuloymong ipinagtatanggol ang patakaran na walang paggalang sa pagkatao ng mga namatay ng walang paglilitis sa Oplan Tokhang at Double Barrel.
Likas ang karapatang pantao sa sangkatauhan – hindi ito ipinagkaloob at hindi ito nagmula sa UDHR, konstitusyon at batas. Ilan sa mga ito ang karapatan na matirang buhay , mag-aral at mapatalas ang isipan upang makagawa ng mabuti at makaiwas sa masama, ang makapaghanap-buhay, makapag-asawa at magpalaki at mapag-aral ang mga anak.
Ang Rome Statute (inaprubahan ng United Nations, Hulyo 17,1998) ay tumutukoy sa mga internasyonal na krimen na yumurak sa karapatang pantao tulad ng: a. “genocide” o paglipol ng pangkat ng tao ayon sa kanilang lahi, relihiyon, wika atbp; b. “crimes against humanity” o krimen laban sa sangkatauhan; c. “war crimes” o mga krimen sa panahon ng digmaan; d. “crimes of aggression” o krimen sa panahon ng pagsalakay ng walang katwiran. Binabalangkas din nito ang mga obligasyon sa pakikipagtulungan ng mga bansa na lumagda sa Rome Statute.
Upang magkaroon ng ngipin ang pagtatanggol sa karapatang pantao, nilikha ng Rome Statute ang ICC, ang unang permanente at independiyenteng internasyonal na hukuman na may kakayahang mag-imbestiga at magdala sa hustisya ng mga indibidwal na gumawa ng pinakamalubhang paglabag sa karapatang pantao. Kung mapatunayang nagkasala, mabibilanggo ang akusado at maaaring kumpiskahin ang kanyang mga ari-arian upang maging pambayad sa ano mang daños perwisyo na igagawad sa mga biktima ng krimen.
Lumagda ang Pilipinas sa Rome Statute noon Disyembre28, 2000 at niratipikahan ito ng Senado noon Agosto 30, 2011. Ang ibig sabihin nito, ang Rome Statute ay ituturing na isang nasyonal na batas ng Pilipinas katulad ng Paris Convention sa larangan ng “trademarks and unfair competition.” Ang pag-atras ng Pilipinas bilang partido sa Rome Statute ay nagkabisa lamang noong Marso 17, 2019.
Sa ilalim ng prinsipyo ng “complementarity”, ang Pilipinas ang may pangunahing responsibilidad sa pag-iimbestiga at pag-uusig sa mga krimen na tinutukoy ng Rome Statute na katugma sa sariling nasyonal na batas – ang RA 9851 ( Dec 11,2009). Hindi manghihimasok ang ICC kung ang bansa ay tunay na kumikilos ng matapat upang mapanagot ang kriminal na lumapastangan sa mga karapatang pangtao ng maraming mga Pilipino. Samakatuwid, nananatili ang soberanya ng Pilipinas kahit ipaubaya nito sa ICC ang pag-iimbestiga at paglilitis sa mga krimeng ginawa ng dating Pangulong Duterte mula Nobyembre 1, 2011-Marso 16, 2019 sapagkat ito ay malubhang krimen laban sa sankatauhan, hindi lang sa sambayanang Pilipino.
Ehersisyo ng soberanya ng Pilipinas ang pagpapaubaya saICC sa paglilitis sa dating pangulo (Sek.17, RA 9851 at Artikulo 89, Rome Statute). Hinilingan, hindi inutusan, ang Pilipinas ng ICC na isuko si Duterte.
Ang mahalagang pasya ni PBBM noon Marso 11,2025 ay hindi kayang pasayahin lahat subalit inaangat nito ang Pilipinas-isang bansang gumagalang, pinoprotektahan at itinataguyod ang karapatang pantao ng sankatauhan. Ni Magi Gunigundo