Calendar

PBBM itinalaga si Torre bilang bagong hepe ng PNP
ITINALAGA na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Major General Nicolas D. Torre III bilang ika-31 hepe ng Philippine National Police (PNP), kapalit ni General Rommel Francisco D. Marbil, ayon kay Executive Secretary Lucas P. Bersamin nitong Huwebes.
Si Maj. Gen. Torre, kasalukuyang direktor ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ay kauna-unahang produkto ng PNP Academy (PNPA) na naging hepe ng pambansang pulisya mula nang itatag ito noong 1991. Miyembro siya ng PNPA “Tagapaglunsad” Class of 1993.
Natalo ni Torre ang iba pang malalakas na kandidato gaya nina Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. ng PMA “Tanglaw-Diwa” Class of 1992,Lt. Gen. Edgar Alan O. Okubo ng PNPA “Tagapagpatupad” Class of 1992, at kapwa niya Class ‘93 member na si Maj. Gen. Anthony A. Aberin, direktor ng NCR Police Office.
Matapang at Matigas ang Paninindigan
Si Torre ang opisyal na nag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo R. Duterte at sa kilalang tagasuporta nito na si Pastor Apollo C. Quiboloy, ang pinuno ng Kingdom of Jesus Christ. Itinuturing itong makasaysayan, lokal at pandaigdig.
Bilang direktor noon ng Quezon City Police District, pinakilala ni Torre ang epektibong programang “3-Minute Response Time”, na gustong ipalaganap ni Pangulong Marcos sa buong bansa.
Sa Operasyon Kontra Quiboloy
Pinamunuan ni Torre ang operasyon na tumugis kay Quiboloy na nagtago sa KOJC compound sa Davao City matapos isilbi ng pulisya ang warrant of arrest noong Agosto 26, 2024 dahil sa mga kasong seksuwal na pang-aabuso.
Sa kabila ng batikos at paninira mula sa mga tagasuporta ni Quiboloy sa social media, hindi natinag si Torre. Nagbigay siya ng 24-oras na ultimatum kay Quiboloy bago lusubin ang kanyang pinagtataguan. Umano’y tanging hiling ni Quiboloy bago sumuko ay ang huwag siyang ipaharap kay Torre.
Sa Pag-aresto Kay Duterte
Sa bisa ng warrant mula sa International Criminal Court (ICC), pinamunuan ni Torre ang kontrobersyal na pag-aresto kay dating Pangulong Duterte noong Marso 11, 2025, sa tulong ng Interpol Manila Branch. Ito ay may kaugnayan sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong kampanya kontra droga noong 2016–2022.
Sa Villamor Air Base, naitala sa video ang mahinahong pero matatag na pananalita ni Torre kay Duterte: “Kung kinakailangan, bubuhatin ko po kayo papunta sa eroplano.” Hindi rin siya natinag sa pambabastos nina Honeylet at anak nilang si Kitty, na kanyang tinugon ng simple pero makahulugang pahayag: “Bata pa si Kitty. May panahon pa siyang mag-mature.”
Pinanggalingan at Inspirasyon
Ipinanganak noong Marso 11, 1970 sa Sulu, si Torre ay anak ng retiradong PC Master Sergeant Rodolfo “Dolping” Torre at isang guro. Itinuturing niyang bayani ang kanyang ama na napatay noong 1990 sa Lutayan, Sultan Kudarat. Inilibing ito sa Libingan ng mga Bayani.
Ipinakita pa ni Torre kay Pangulong Marcos Jr. ang isang larawang blow-up ng kanyang ama sa panunumpa ng mga bagong heneral ng PNP.
Akademikong Tagumpay
Naging valedictorian siya sa Notre Dame of Marbel at salutatorian sa Koronadal National Comprehensive High School. Scholar siya ng DOST at nakakuha ng 72 units sa Mapua bilang engineering student bago pumasok sa PNPA, kung saan nagtapos siyang Top 4 ng Class 1993.
Ayon sa kanya, “Nang mamatay ang tatay ko, sinabi ko sa sarili kong dapat ituloy ko ito. Kailangan kong tumulong sa pamilya.”