Calendar

PBBM kay Abalos: ‘Magaling na mayor’
PINURI ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang malawak na karanasan at husay sa paglilingkod ni dating DILG Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas rally sa Tacloban City noong Biyernes.
Itinalaga si Abalos bilang kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) noong 2022.
“Kaya po inisip ko, sino ba ang nalalaman ko na nakakaunawa sa local government?” sabi ni Marcos.
Binanggit ng Pangulo na ang liderato ni Abalos bilang alkalde ng Mandaluyong ang isa sa mga naging batayan sa kanyang paghirang bilang pinuno ng lokal na pamahalaan.
“Sabi ko, ‘Balitang-balita may magaling na mayor sa Mandaluyong City.’ Kaya po sabi ko, ‘Kilala ko yata ‘yan kung sino ‘yan. Si Mayor Benhur Abalos ng Mandaluyong City.’ Tamang-tama ‘yan, ilagay natin siya sa DILG,” dagdag pa ni Marcos.
Sa kanyang pamumuno, nakilala ang Mandaluyong bilang “Tiger City of the Philippines” dahil sa mabilis na pag-unlad at mahusay na serbisyo.
Kinilala rin ang lungsod bilang “Most Business-Friendly City” ng Philippine Chamber of Commerce and Industry, “Most Child-Friendly City” ng Malacañang, at “Best in Nutrition” bukod sa iba pang parangal.
Nanguna rin si Abalos sa mga programang panlipunan, kabilang ang Project TEACH, na nagbigay ng libreng therapy, edukasyon, at medikal na tulong sa mga batang may kapansanan.
Dahil dito, ginawaran siya ng United Nations Public Service Award.
Pinatayo rin ni Abalos ang Garden of Life Park na ginawaran ng Galing Pook Award.
Pinuri ito ni dating vice president Leni Robredo at nagpahayag ng interes na ipatupad din ito sa Naga City.
Bilang alkalde, pinangunahan ni Abalos ang isang komprehensibong pabahay na nagbigay ng ligtas at abot-kayang tirahan sa halos 8,000 pamilya.
Kung mahalal bilang senador, isusulong ni Abalos ang mahahalagang panukalang batas, kabilang ang pag-aalis ng value-added tax sa kuryente, pagbibigay ng gratuity incentives sa job order employees ng gobyerno, tulong pinansyal sa mga magsasaka at mangingisda at rebisyon ng Local Government Code of 1991 upang higit pang mapabuti ang kapakanan ng publiko.