BBM1

PBBM kinilala maayos na implementasyon ng price ceiling

154 Views

MAAYOS umano ang naging implementasyon ng price ceiling sa bigas, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ginawa ni Pangulong Marcos ang pahayag matapos ang kanyang pakikipagpulong sa mga ahensya na naatasang ipatupad ang Executive Order No. 39 kung saan nakasaad ang pagtatakda ng price ceiling.

“We just had a meeting about that this morning and, so far, the implementation and enforcement is going as well as we can expect,” ani Pangulong Marcos.

Sinabi ng Pangulo na naiintindihan ni Pangulong Marcos ang agam-agam ng mga micro at small rice retailer dahil sa pangamba na hindi nila mababawi ang kanilang magiging lugi.

Ang pamimigay umano ng ayuda ng Department of Social and Welfare Development (DSWD) ang hihimok sa mga ito na sumunod sa price cap.

“Last Saturday, nagsimula na sila na magbigay ng tulong sa ating mga retailer at para nagkaroon naman ng effect na ‘yung iba na ayaw magtinda muna ng kanilang bigas ay dahan-dahang lumalabas na dahil nakakasiguro sila na kahit papaano mayroon silang matatanggap para kapalit doon sa kung malulugi sila dahil sa pagbili nila ng (bigas sa) mataas na presyo,” sabi ng Pangulo.

Batay sa listahan ng Department of Trade and Industry (DTI), mayroong 5,942 rice retailer na mayroong business permit na magtinda sa pampubliko at pribadong palengke ang kasali sa bibigyan ng ayuda.

Nilinaw naman ng Pangulo na ang pagpapatupad ng price cap ay hindi pangmatagalan kundi gagawin lamang hanggang sa magkaroon ng sapat na suplay ng bigas sa bansa na inaasahang magpapababa sa presyo nito.