Calendar
Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
PBBM kumilos agad para maibalik agad kuryente, signal sa binagyong lugar
KUMILOS agad si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang maibalik ang kuryente at signal, at maihatid ang tulong sa mga lugar na sinalanta ng Super Typhoon Uwan at Typhoon Tino.
Sa kanyang maagap na utos, naibalik na ang kuryente sa mahigit 60% ng mga apektadong lugar, ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Sa ulat ng Department of Energy (DOE) sa pangunguna ni Secretary Sharon Garin, 454 sa 712 apektadong munisipalidad ang may suplay na muli ng kuryente habang nagpapatuloy ang pagpapanumbalik para sa mahigit 3 milyong consumer connections. Tinatayang PhP4 milyon ang pinsala ng bagyo sa sektor ng enerhiya.
Pinabilis din ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pamumuno ni Secretary Henry Aguda, ang pagpapanumbalik ng signal.
Balik-serbisyo na ng Smart sa 82% ng apektadong lugar, 77% ang Globe, 63% ang Dito, at 79% ang Converge. Patuloy ang pagsasaayos sa natitirang mga lugar.
Nakapagbigay na ang pamahalaan ng P324.1 milyon para sa mga pamilyang nasalanta ng Typhoon Tino at P48.9 milyon para sa mga biktima ng Super Typhoon Uwan, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ipinadala ni Pangulong Marcos ang kanyang Gabinete sa mga binagyong lugar upang pangunahan ang relief at recovery operations.
Pinangunahan ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian sa Catanduanes ang pamamahagi ng 600,000 family food packs at 21,000 ready-to-eat boxes.
Sa Leyte, naghatid naman si Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa ng P8.2 milyong halaga ng gamot at supply, at personal na kinamusta ang mga health workers.
Sinuri ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara ang kalagayan ng mga paaralan sa Negros Occidental, habang tiningnan ni Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Frasco ang epekto ng bagyo sa turismo.
Binantayan naman ni DOE Secretary Garin ang power restoration sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo.
Inatasan din ni Pangulong Marcos ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsagawa ng 24/7 clearing operations para maibalik ang daanan ng mga pangunahing kalsada.
Ayon sa DPWH, 26 national roads na ang bukas muli mula sa halos 40 road sections na naapektuhan ng pagbaha, pagguho ng lupa, at mga nabuwal na puno at poste.
Patuloy ang clearing sa 13 kalsada sa Cordillera Administrative Region, isa sa National Capital Region, isa sa Region I, sampu sa Region II, isa sa Region III, walo sa Region V, at isa sa Region XII upang matiyak ang ligtas na biyahe ng mga motorista.

