Remulla

PBBM kumpiyansa na hahayaan ni Justice Sec Remulla na gumulong ang hustisya sa kaso ng anak

177 Views

KUMPIYANSA si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hahayaan ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na gumulong ang sistema ng hustisya sa kaso ng anak ng huli na naaresto dahil sa mahigit P1 milyong halaga ng high-grade marijuana.

Sinabi ni Marcos na bilang kalihim ng DOJ ay alam ni Remulla na dapat hayaan ang proseso ng batas.

“I think that being the Secretary of the Department of Justice, he’s very aware that he must allow the processes of the judiciary to work properly and that no one in the Executive should interfere,” sabi ng Pangulo.

Sinabi ni Remulla na hindi ito makiki-alam o mang-iimpluwensya sa kaso ng kanyang anak na si Juanito Jose Diaz Remulla III, 38-anyos, na inaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Ninoy Aquino International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group matapos kunin ang package na naglalaman ng marijuana.