BBM2

PBBM: Kurikulum kailangang baguhin

163 Views

Para maging akma sa pangangailangan ng mga estudyante 

BINIGYANG-DIIN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kahalagahan na baguhin ang kurikulum upang maging akma ito sa pangangailangan ng mga estudyante.

“It’s very significant because here we are trying to, sinusubukan nating gawin… ayusin ito para maging mas bagay sa pangangailangan ng batang Pilipino,” ani Pangulong Marcos na dumalo sa Brigada Eskwela 2023 ng Victorino Mapa High School in San Miguel, Manila.

Sinabi ng Pangulo na kailangang pagandahin ang kalidad ng edukasyon sa bansa lalo na sa STEM [Science-Technology-Engineering-and Mathematics strand] subjects.

“Also, binibigyan natin ng pagkakataon ‘yung mga after 10th grade na mamili kung sila ay magbo-vocational, magte-technical training or itutuloy nila. So that’s more or less the big system changes that we’re doing,” dagdag pa ng Pangulo.

Kamakailan ay inilungsad ng Department of Education (DepEd) ang MATATAG K-10 curriculum na unti-unting gagamitin sa mga pampublikong paaralan.

Sa ilalim ng bagong kurikulum ay babawasan ang mga aralin at tututukan ng husto ang mga functional literacy na mahalaga upang matiyak na naiintindihan ng mga estudyante ang kanilang binabasa at alam nila ang basic mathematics na siyang gagamitin nito upang maintindihan ang mga aralin sa susunod na baitang.