PBBM

PBBM: Lahat ng paraan ginagawa ng gov’t para mailigtas PH seamen sa binombang barko

Chona Yu Jun 14, 2024
92 Views

TINIYAK ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ginagawa na ng pamahalaan ang lahat ng paraan para mailigtas ang mga Filipino seamen na sakay ng MV Tutor na binombang sa Red Sea.

Sa isang video message, sinabi ni Pangulong Marcos na nakikipag-ugnayan na ang pamahalaan sa United Kingdom Maritime Trade Operations para madala sa Djibouti.

Ayon sa Pangulo, sa sandaling madala ang mga Filipino seafarer sa Djibouti, gagawin din ang kailangang arrangements para sila mapauwi na sa Pilipinas.

Ayon sa Pangulo, humingi na ng tulong ang Pilipinas sa mga kinauukulan para madala ang mga nasabing seafarers sa Djibouti.

“Sa ating mga kasama na Filipino seafarers na nakasakay yung MV Tutor na binomba at..ay ngayon hindi malaman ang gagawin ay lahat ng maaaring gawin ay ginagawa na namin. Nagko-coordinate kami sa UK Maritime Trade Operations at naghahanap kami ng paraan para madala kayo muna sa Djibouti. Mula sa Djibouti, gumagawa rin kami ng mga arrangements para makapunta na kayo, makauwi na muna kayo. Kaya’t patuloy ang aming paghanap ng tulong sa ating mga kaibigan para madala na kayo sa Djibouti,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Matatandaang binomba ng missile at drone ng Houthi rebels ang MV Tutor noong Hunyo 12 sa Red Sea at Gulf of Aden.

Sa una nang pahayag ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, nagtamo ng tama ang barko sa maselang bahagi nito at naapektuhan ang engine room

Nasa 22 na mga Filipino seafarers ang kabilang sa tripulante ng barko at ayon kay Cacdac, isa sa mga ito ang nawawala.

Ayon kay Cacdac, nasa dagat pa rin ang barko pero ligtas naman ang 21 Na Filipino.