Calendar
![BBM2](https://peoplestaliba.com/wp-content/uploads/2025/02/BBM2-3.jpg)
PBBM: Mga kandidato ng admin di pinabili ng suka
PALABAN at binanatan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga kandidato sa pagka-senador ng oposisyon.
Sa proclamation rally ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa Laoag, Ilocos Norte, sinabi ni Pangulong Marcos na wala sa mga kandidato sa administrasyon ang may bahid ng dugo, nagbulsa sa pera ng bayan at nagpanggap na propeta pero nambibiktima ng mga bata at kababaihan.
Matatandaang dawit si reelectionist Senator Ronald dela Rosa sa madugong anti drug war campaign habang nahaharap naman sa kasong sexual abuse ang senatorial candidate na si Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon kay Pangulong Marcos, wala rin sa mga kandidato ng administrasyon ang pumapalakpak habang binobomba at inaabuso ng China ang mga Filipinong mangingisda sa West Philppine Sea.
Sinabi pa ni Pangulong Marcos na malawak ang karanasan ng mga kandidato ng administrasyon at hindi katulad ng iba na nautusan lang na bumili ng suka at nabigyan na ng certificate of candidacy.
Sabi ni Pangulong Marcos, tanging ang administrasyon lamang ang may kumpletong senatorial slate at hindi katulad ng iba na nagmamakaawa na makabuo at makakuha ng kandidato.