Just In

Calendar

May 2026
M T W T F S S
 123
45678910
11121314151617
18192021222324
25262728293031

PBBM nagbigay ng P10/litro ayuda sa mga PUV operators, drivers

Jun I Legaspi Apr 14, 2026
98 Views

INIUTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbibigay ng karagdagang P10/litro subsidy para sa mga public utility vehicle (PUV) operators at drivers sa diesel.

Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, nakikipagtulungan ang Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Department of Energy (DOE) at Landbank para masiguro ang tama at mabilis na implementasyon ng programa.

“Sa atin sa DOTr at sa LTFRB, ang aming responsibilidad ay magbigay ng listahan ng lehitimong operators o drivers pagdating sa ating pampublikong sasakyan,” sabi ni Secretary Lopez.

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, 52 gas stations sa Metro Manila ang target na isali sa programa.

Paliwanag ni Lopez, halos 150 litro ng diesel ang subsidiya ng pamahalaan sa bawat tsuper kada linggo o halos P1,500 na karagdagang kita o matitipid kada benepisyaryo.

Bukod sa Net Service Contracting Program na sisimulan para din sa mga operator at tsuper maging sa mga komyuter, malaking tulong ang P10/liter fuel subsidy sa mga pasahero dahil matitiyak nitong mas marami ang mga PUV ang makakapapasada para hindi mahirapang sumakay ang mga pasahero.

“Makikita niyo po talaga na binibigyan ng halaga ng ating Pangulo ang ating mga pampublikong sasakyan, ang ating mga tsuper, ang ating mga operator, ganoon din po ang ating mga commuters na talagang masasabi nating direktang naapektuhan sa pagtaas ng presyo ng langis,” ani Secretary Lopez.

Para sa mga PUV drivers na may kwalipikadong units, maaari silang pumunta sa mga kasaling gas stations at ibigay ang plate number para ma-verify.

Oras na maberipika sa Landbank App, titingnan ng cashier ang available na balance ng PUV unit sa 150 litrong subsidiya para maikarga na ang diesel at saka babayaran ng driver.