BBM1

PBBM nagpaalala na ‘wag magpakampante sa Bagyong Uwan

265 Views

INIHAYAG ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr na patuloy na binabantayan ng pamahalaan ang pagtindi ng Bagyong Uwan habang papalapit ito sa Hilagang Luzon.

Sa isang pahayag sinabi ng Pangulo na “naka-full alert ang lahat ng ahensya ng pamahalaan at agad kumilos upang matiyak ang kaligtasan ng ating mga kababayan.”

Narito ang nalalabi sa kanyang pahayag:

“Ang DOTr at LTFRB ay nakapag-deploy ng mga bus at truck para sa evacuation, habang ang DSWD, DPWH, AFP, at Coast Guard ay may mga nakaposisyong sasakyang pang-rescue, lifeboats, at relief goods sa mga lugar na maaaring tamaan ng bagyo.

Suspendido ang toll fees para sa mga emergency convoy at responders, at may inilaan tayong mga espesyal na lane upang mas mabilis makarating sa mga high-risk areas. Ang MMDA at mga lokal na pamahalaan ay nagsasagawa ng paglilinis sa mga daluyan ng tubig at pagtatanggal ng mga sagabal sa mga kalsada.

Binuksan din ng ilang mall at gusali ang kanilang mga parking areas para magamit ng mga residente sa mga lugar na madalas bahain.

Sa ilalim ng DILG, nagpapatuloy ang mga pre-emptive evacuation upang mailikas ang mga residente sa mga high-risk areas bago pa man tumama ang bagyo bukas.

Pinapaalalahanan ko ang lahat na manatiling mahinahon at huwag maging kampante. Sumunod sa mga abiso ng inyong LGU at agad lumikas kung kayo ay nakatira sa delikadong lugar. Ihanda ang inyong mga pangunahing pangangailangan at manatiling nakatutok sa mga opisyal na anunsyo.

Magkaisa tayo. Ang bawat segundo ay mahalaga.

Pagpalain tayong lahat ng Maykapal.”