BBM

PBBM: Nakapaswerte kong mister at may misis akong protective sakin

Chona Yu Apr 23, 2024
20 Views

Naiintindhan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na masama ang loob ni First Lady Liza Marcos kay Vice President Sara Duterte.

Sa ambush interview kay Pangulong Marcos sa Occidental Mindoro, sinabi nito na napaka-swerte niya at mayroong asawa na katulad ni First Lady Liza.

Tiniyak naman ni Pangulong Marcos na hindi maapektuhan ang kanyang relasyon kay Duterte.

“I don’t see the reason behind that. First of all, my first reaction is what a lucky husband I am that I have a wife na very protective sa akin na, kahit na, may nakitang hindi magandang sinabi tungkol sa akin, she gets very upset. We cannot blame her,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“It will not affect our working relationship with the Vice President, Secretary of Education. I think that she also understands as a wife how the First Lady feels, when you have to sit there and listen to these attacks that are being made against your husband. But mag-uusap kami ni VP Sara tungkol diyan. Huwag niyang masyadong dibdibin, hindi naman siya ‘yung mga nagsabi ng kung anu-ano. Madali naman sigurong plantsahin lahat yung isyu,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Ayon kay Pangulong Marcos, hindi sanay sa pulitika si First Lady Liza.

“Ang First Lady, hindi sanay sa pulitika ‘yan e. Kami, manhid na kami diyan, sa insulto. Siya, hindi siya galing sa political family, kaya siguro she still has to learn, magpalagpas nang kaunti ng ibang masasakit at maaanghang na salita,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Wala ring balak si Pangulong Marcos na patulan ang panawagan ng iba na sibakin si Duterte bilang kalihim ng Department of Education.

“Any of the cabinet secretaries will be replaced kapag hindi nila ginagawa yung trabaho nila. All the other things are not part of the discussion. Kapag hindi na kaya, nagkasakit, sabihin mo lang, papalitan ka namin. Kapag hindi talaga marunong o korap, tatanggalin ka talaga namin. Hindi naman ganoon si Inday,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“I don’t think we need to patch anything up. She understands, as a wife herself, the sentiments of the First Lady. Our conversation will be precisely that. I’m sure you’ll understand how she feels,” sabi ni Pangulong Marcos.

Una nang inamin ni First Lady Liza na bad shot na sa kanya si Duterte.

Ito ay matapos tawanan ni Duterte ang banat ng kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte na bangag si Pangulong Marcos.