BBM1

PBBM nakauwi na matapos ang 6-araw na working visit sa US

219 Views

NAKAUWI na sa bansa si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. mula sa anim na araw na working visit sa Estados Unidos

Dumating si Marcos alas-6:30 ng umaga sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2.

Sinabi ni Marcos na naging matagumpay ang kanyang anim na araw na biyahe na nagsimula noong Setyembre 18.

Bukod sa kanyang talumpati sa 77th session ng United National General Assembly (UNGA) si Marcos at ang kanyang delegado ay nakipagkita sa Filipino community at mga negosyante na kanyang hinimok na mamuhunan sa bansa.

“I addressed global issues such as climate change, rising food prices, rapid technological change, the peaceful resolution of international disputes, the need to protect the vulnerable sectors of our society such as migrants, and ending all forms of prejudice,” sabi ni Marcos.

Kailangan ng bansa ng mga investor upang dumami ang mga mapapasukang trabaho sa bansa at muling mapa-angat ang ekonomiya ng bansa.

Nakausap din ng Pangulo si US President Joe Biden na inaasahan na lalong magpapatibay sa relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos.

Si Marcos ay sinalubong nina Vice President Sara Duterte, Armed Forces chief Lieutenant General Bartolome Vicente Bacarro, Philippine Army Commanding General Lieutenant General Romeo Brawner Jr., Philippine Air Force Vice Commanding General Major General Arthur Cordura, Philippine Navy Vice Commander Rear Admiral Caesar Bernard Valencia; mga miyembro ng Gabinete, Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano at Pasay City Rep. Antonino Calixto.