BBM Pinirmahan ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang Archipelagic Sea Lanes at Philippine Maritime Zones Act sa Malacañang noong Biyernes. Saksi sina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez (kanan) at Senate President Francis “Chiz” Escudero (kaliwa) sa pagpirma ng Pangulo sa mga bagong batas. Kuha ni VER NOVENO

PBBM nilagdaan 2 batas na magpapalakas claim ng PH sa WPS

Chona Yu Nov 8, 2024
47 Views

NILAGDAAN na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Philippine Maritime Zones o Republic Act No. 12064 at Philippine Archipelagic Sea Lanes o Republic Act No. 12065 bilang mga bagong batas.

Nakasaad sa Philippine Maritime Zones Act ang pagtatakda ng partikular na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas, kasama na ang karagatang maituturing na bahagi pa rin ng bansa.

Layon nitong mapalakas ang claim ng Pilipinas sa West Philippine Sea at iba pang may territorial disputes.

Layunin naman ng Philippine Archipelagic Sea Lanes Act na magkaroon ng sistema ng sea lanes o ruta sa mga dagat ng Pilipinas na maaaring daanan ng mga dayuhang sasakyang pandagat.

Sa tulong nito mamomonitor ang galaw ng mga dayuhang sasakyang pandagat at panghimpapawid sa bahagi ng teritoryo at mas mapapalakas ang awtoridad na paalisin sila kung maikokonsiderang banta sa bansa.

Sa kanyang talumpati, binigyang diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng dalawang bagong batas na aniya’y nagtutugma ng mga batas sa bansa sa United Nations Convention on the Law of the Sea at iba pang international laws.

Pagpapakita rin aniya ito ng pagiging responsableng miyembro ng international community at pagsusulong ng rules-based international order.

Sabi pa ni Pangulong Marcos na isang hakbang rin ito para maprotektahan ang maritime resources at ingatan ang kalikasan.

“Our people, especially our fisherfolk, should be able to pursue their livelihood free from uncertainty and harassment. We must be able to harness mineral and energy resources in our seabed” dagdag ng Pangulo.

Dahil sa mga bagong batas, umaasa si Pangulong Marcos na mas matibay na ang pag-angkin ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

“The designated archipelagic sea lanes and air routes aim to facilitate safe passage for foreign ships and aircraft without compromising our national security nor diminishing our capacity for good environmental stewardship,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“It is my fervent hope that with the help of these two laws, we will continue to pursue and defend our maritime interests and navigate towards a brighter and stronger Bagong Pilipinas,” dagdag ng Pangulo.