BBM1

PBBM: Pahalagahan wikang Pilipino

147 Views

HINIKAYAT ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang bawat Pilipino na pahalagahan ang wikang Filipino na siyang nagsisilbing tulay para sa pagkakaisa at pagmamahal sa bayan.

Binigyang diin ni Pangulong Marcos sa kanyang mensahe kaugnay ng pagdiriwang ng “Buwan ng Wikang Pambansa” ang kahalagahan ng wikang Filipino, pamana at kultura na siyang nagbubuklod sa pagsulong ng bawat isa bilang isang bansa.

“Sa pagkakataong ito, ating bigyang-pansin ang kapangyarihan ng wika hindi lamang sa pagbuo ng ating kaisipan at paraan ng komunikasyon, kundi pati na rin sa pagkintal ng ating patuloy na pagsulong at pagdala ng kolektibong karunungan sa bawat henerasyon,” ani Pangulong Marcos.

“Sa pamamagitan ng wikang Filipino, ating ilahad ang mga kuwento at karanasang magiging matibay na saligan ng ating pag-unlad,” dagdag pa nito.

Hinikayat din ng Pangulo ang bawat mamamayan na ipakita ang kanilang pagmamahal sa bayan sa kanilang paraan upang mangibabaw ang wikang Filipino at kultura sa pagbuo ng pagkakakilanlan ng bawat Pilipino.

“Bilang mga Pilipino, ating yakapin ang diwa ng pagkakaisa at pagiging makabayan sa ating patuloy na pagpanday ng ating inaasam na dalisay na Kinabukasan. Muli, maligayang Buwan ng Wikang Pambansa sa ating lahat!” ayon sa Pangulo.

Binigyang diin din ng punong ehekutibo ang tamis ng mahigit isang taong tagumpay at alab ng mamayang Pilipino sa pagkakaisa sa gitna ng mga pagsubok na kinahaharap ng bansa.

Sa ilalim ng Proklamasyon Blg. 1041, s. 1997, ang “Buwan ng Wikang Pambansa” ay ipinagdiriwang tuwing Agosto 1-31 sa pangunguna ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

Ang obserbasyon sa “Buwan ng Wikang Pambansa” ngayong taon ay may temang “Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan.”