BBM2

PBBM pangungunahan pagkilala sa mga nagwagi sa SEAG, APG

178 Views

PANGUNGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagkilala sa mga atletang nanalo sa 32nd Southeast Asian Games at 12th ASEAN Para Games (APG) na ginanap sa Cambodia noong Mayo at Hunyo.

Bibigyan din ng Pangulo ng insentibo ang mga nanalong atleta sa isasagawang seremonya sa Malacañang sa Hulyo 20.

Nasa P60 milyon umano ang kabuuang halaga na ibibigay sa mga nagwagi sa SEAG at P14 milyon naman sa mga nanalo sa APG.

Ang pagbibigay ng insentibo ay alinsunod sa Republic Act 10699, o ang Expanded National Athletes and Coaches Incentives and Benefits Act.

Sa ilalim ng nabanggit na batas, ang mga nanalo ng gintong medalya sa SEAG ay makatatanggap ng P300,000, ang naka-silver ay P150,000 at P60,000 naman sa naka-bronze.

Ang Para Games gold medalist ay makatatanggap naman ng P150,000, sa naka-silver ay P75,000 at sa naka-bronze ay P30,000.

Ang pondo para sa ibibigay na insentibo ay galing sa kita ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Ang Pilipinas ay nasa ikalimang puwesto sa katatapos na SEAG. Nakakuha ang mga atleta ng 58 ginto, 85 silver, at 117 bronze.

Sa Para Games, ang koponan ng Pilipinas ay nakapag-uwi ng 34 ginto, 33 pilak, at 50 tansong medalya.