Chiz1 Senate President Chiz Escudero: Nagpapasalamat tayo sa naging suporta ng ating mahal na Pangulong Bongbong Marcos at kay First Lady Liza Araneta-Marcos na dumalo dito sa napakahalagang okasyon sa ating minamahal na lalawigan ng Sorsogon.

PBBM pinangunahan inagurasyon ng pinakamalaking sports arena sa Bicol

216 Views

PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Huwebes, Oktubre 17, ang pagbubukas ng pinakamalaking sports platform sa Bicol Region, ang Sorsogon Sports Arena, isang “landmark that Sorsoganons and every Bicolano can be proud of.”

Kasama ni Pangulong Marcos si Sorsogon Governor Edwin “Boboy” Hamor at Senate President Francis “Chiz” Escudero, na siyang tagapagtaguyod ng malakihang proyekto na sinimulan ang konstruksyon noong siya ay nanunungkulan bilang punong ehekutibo ng probinsya mula 2019 hanggang 2022.

“Kasya ang mahigit-kumulang na 54,000 na katao kung pupunuin pati ‘yung grounds ng arena. Ito ang pinakamalaking venue sa buong Bicol region at marahil nasa top 10 sa buong Pilipinas. This is something indeed to be proud of. Isa nanaman na dahilan para maipagmamalaki na tayo ay taga-Sorsogon,” ani Escudero.

Ang inagurasyon ng Sorsogon Sports Arena ay kasabay ng pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng Kasanggayahan Festival sa probinsya, ang ika-130 anibersaryo ng pagkakatatag ng Sorsogon, at ang ika-455 paggunita ng unang misa na idinaos sa Luzon.

Hinango mula sa iconic Colosseum sa Rome, Italy, ang Sorsogon Sports Arena ay matatagpuan sa loob ng 7.1-ektaryang Sorsogon Sports Complex na kinabibilangan din ng gusali ng Department of Education (DepEd) Sorsogon at ng gymnasium nito.

Ang arena ay orihinal na itinakdang gamitin para sa Palarong Pambansa noong 2021, ngunit naantala ang pagtatapos nito dahil sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay Escudero, plano ng Sorsogon na mag-host ng Palarong Pambansa sa 2027, ang pinakamalaking paligsahan sa palakasan sa bansa.

Ang Sorsogon Sports Arena ay may modernong mga pasilidad na maaaring gamitin para sa malalaking pandaigdigang kompetisyon, pati na rin ang isang 300-kuwartong dormitoryo na laan para sa mga atleta, coaches, technical officials at mga manonood.

Sinabi ni Escudero na hihilingin niya ang pag-apruba ng Philippine Sports Commission upang gawin ang malaking pasilidad na ito bilang isang national sports training camp, dahil sa geographical advantage ng Sorsogon Sports Complex sa pagho-host ng ganitong uri ng mga pagsasanay.

“Ngayon nasa Baguio, nasa norte. Malayo sa Visayas, malayo sa Mindanao. Sorsogon is in the Southernmost tip of Luzon, medyo nasa gitna. Dito lang kumpleto ang facilities at lahat ay pag-aari ng DepEd,” ani Escudero.

“Ito ay isang proyekto na maipagmamalaki, hindi lamang ng mga Sorsoganon, hindi lamang ng mga Bicolano, kundi ng lahat ng Pilipino. Nagpapasalamat tayo kay Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang patuloy na suporta sa lalawigan ng Sorsogon at sa kabuuang rehiyon ng Bicol,” aniya.

Sa kanyang talumpati, pinagtibay ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng arena bilang isang national sports training camp na magiging instrumento sa paghubog ng mas maraming Olympians at world-class athletes para sa Pilipinas.

“Isang mahalagang hakbang upang maitaguyod natin ang ating mga kababayan na may angking galing sa larangan ng palakasan. Sa tulong nito, mabibigyan sila ng pagkakataon upang mahasa pa ang kanilang mga talent,” ayon sa Pangulo.

Sa patuloy na suporta ng administrasyon ni Marcos, sinabi ni Escudero na marami pang magagawa ang Sorsogon sa mga darating na taon.

“Hindi pa kami tapos at malayo pa ang aming lalakbayin at buo ang aking paniniwala na sa tulong ninyo, sa ilalim ng inyong administrasyon at sa prinsipyong isinusulong ng inyong pamahalaan na ‘build back better’ marami pa kaming magagawa, marami pa kaming mapapatunayan, marami pa kaming makikita upang sa gayon ay maisakatuparan namin ang aming pangarap at mithiin para sa aming inang lalawigan gayun din sa aming rehiyon ng Bicol,” aniya.

Ang Kasanggayahan Festival ngayong taon ay tampok din ang pagbisita ni dating Bise Presidente Leni Robredo, na nagmula sa karatig na Lungsod ng Naga sa Camarines Sur.

Kasama ni Robredo si dating Senador Bam Aquino, na muling tatakbo sa Senado sa darating na halalan sa 2025.

“It is only fitting that it is during the Kasanggayahan or the Festival of Festivals that we’re able to host the two leading presidential candidates in the 2022 elections. We are grateful for their presence in this important occasion for Sorsogon,” ani Escudero.