DSWD Source: PCO

PBBM pinatiyak buhos ng ayuda sa biktima ng bagyo

Chona Yu Oct 25, 2024
54 Views

PINATITIYAK ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na may “conveyor belt of aid” ang gobyerno para matiyak ang buhos ng ayuda sa mga biktima ng bagyong Kristine.

Ipinag-utos ng presidente ang “nonstop, express aid distribution” matapos malubog sa baha ang malaking bahagi ng Bicol.

“I want to see a conveyor belt of aid that is constantly delivering aid to the front. This means putting people out of harm’s way; those whose lives are in danger, and then paving the way for the rapid movement of relief resources to affected areas,” dagdag ng Pangulo.

Pinakilos na rin ni Pangulong Marcos ang mga miyembro ng gabinete na tumulong sa pamimigay ng ayuda.

“For a speedy and streamlined disaster response, I have directed Cabinet secretaries to lead relief and rehabilitation work in specific areas,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Pinamamadali rin ni Pangulong Marcos sa Department of Budget and Management ang paglalabas ng mga kinakailangang pondo para sa mga biktima ng bagyong Kristine.

“I have ordered the DBM Secretary to immediately release all necessary funds so that needed resources can be procured expeditiously,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Inatasan din niya ang Department of Social Welfare and Development na bigyan ng relief goods ang lahat ng apektadong lugar, kabilang na ang pre-positioned at new supplies para sa augmentation ng local government units.

Ayon kay Pangulong Marcos, oras na gumanda na ang panahon, agad na sisimulan ng DSWD ang financial aid sa mga biktima ng bagyo.

Inatasan din ni Pangulong Marcos ang Department of Agriculture na magsagawa ng quick planting at production turnaround plan para matulungan ang mga magsasaka.

Inatasan din ni Pangulong Marcos ang Department of Agriculture na mag-deploy ng Kadiwa rolling stores sa mga apektadong lugar.

“This is premised on the grant of immediate assistance, including payment of crop insurance to farmers affected by the typhoon,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Inatasan din ni Pangulong Marcos ang Department of Public Works and Highways na magsagawa ng emergency road clearing operations at hinikayat ang pribadong contractors na tumulong sa pag-aayos sa mga nasirang kalsada at tulay.

Para naman masiguro na maiwasan ang pananamantala ng mga negosyante, inatasan ni Pangulong Marcos ang Department of Trade and Industry na i-monitor at tiyakin na sumusunod sa price control sa mga piling produkto sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity.

Pinatitiyak din ni Pangulong Marcos sa DTI na hindi maabala ang daloy ng produktong sa mga apektadong lugar.