BBM2

PBBM pinawi pangamba na ibebenta lang agrarian reform land

180 Views

Pinawi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pangamba na ibebenta lang ng mga magsasaka ang lupa na kanilang nakuha sa ilalim ng agrarian reform program.

Ayon sa Pangulo ang karaniwang dahilan kung bakit ibinebenta ang lupa ay dahil wala namang panggastos ang magsasaka para maging produktibo ang lupang ibinigay sa kanila.

“Ang nagiging dahilan kung bakit ang nabibigyan ng titulo ay ipinagbibili kaagad ‘yung lupa nila ay dahil wala silang pambayad ng inputs, hindi sila makautang, wala silang pagkukuhanan ng binhi, wala silang pagkukuhanan ng fertilizer, ng pesticide. Wala silang pambili,” ani Pangulong Marcos.

Sinabi ng Pangulo na kasama sa New Agrarian Emancipation Act ang pagbibigay ng suporta sa mga magsasakang nabigyan ng lupa upang matulungan ang mga ito na maparami ang kanilang ani.

“Wala naman silang magagawa kaya’t ‘yung dati ‘yung mga nasubukan noong una ay pinag-aralan ito nang mabuti at nakita natin ‘yung naging karanasan ng mga ibang bansa. At nakita nga namin pagka basta titulo lang ibinigay mo at wala ng ibang suporta, mangyayari talaga eh wala naman hindi naman nila maisaka, mangungutang na naman sila doon sa ‘yung dating may-ari. Tapos hindi makabayad. Tapos na-corner na naman – pinapakyaw na naman ‘yung kanilang produkto, et cetera, et cetera,” sabi pa ng Pangulo.

Sinabi naman ni Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III na batay sa bagong batas hindi maaaring ibenta ng mga magsasaka ang lupang naibigay sa kanila sa loob ng 10 taon mula sa pagtanggap nila ng titulo.

“Sapagkat ‘pag nalaman po ng Agrarian Reform na kanilang ibinenta ang lupa nila na hindi pa lumalampas ang sampung taon, babawiin po ng pamahalaan at ibibigay natin sa ibang beneficiary ang lupa po,” paliwanag ni Estrella.

Mahigit 600,000 magsasaka ang makikinabang sa bagong batas kung saan babayaran ng gobyerno ang kanilang utang kaugnay ng nakuhang lupa sa ilalim ng agrarian reform law.

Sa ilalim ng agrarian reform law, lupa ay babayaran ng magsasaka ng hanggang 30 taon.