BBM Sa isang phone call, nagpasalamat si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Malaysian Prime Minister Anwar Ibrahim sa tulong na ibinigay para sa bagyong Kristine at Leon. (PCO photo)

PBBM pinuri air support ng Malaysia para mapabilis ayuda sa biktima ni Kristine, Leon

Chona Yu Nov 5, 2024
44 Views

TAOS-PUSONG nagpasalamat si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Malaysian Prime Minister Anwar Ibrahim sa tulong na ibinigay sa Pilipinas para sa mga biktima ng bagyong Kristine.

Sa kanilang pag-uusap sa telepono, pinuri ni Pangulong Marcos ang deployment ng Malaysia ng Eurocopter EC-725 na naging mahalagang bahagi ng paghahatid ng agarang tulong sa mga komunidad na sinalanta ng baha.

Pinagtibay naman ni Anwar ang dedikasyon ng Malaysia sa pagtulong sa Pilipinas tuwing may krisis na aniya’y parte ng mas pinalalakas na samahan ng Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) sa pagtugon sa mga hamon sa rehiyon.

Sinabi naman ni Pangulong Marcos na ang air support na ibinigay ng Malaysia ay nagbigay-daan upang marating ang mga lugar na patuloy na nahihirapan sa matinding pagbaha at naging dahilan din upang makapaghatid agad ng tulong sa mga pamilyang hindi maaabot kung wala ang suporta ng nasabing bansa.

Ayon kay Pangulong Marcos, sa panahong ito ng pagluluksa para sa mga buhay na nawala, nakakataba aniya ng puso na makita kung paano tumugon ang mga kaalyado sa ASEAN sa oras ng pangangailangan.

Aniya, ang ganitong uri ng pagkakaisa ang nagpapalakas sa rehiyon.