Nartatez Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panunumpa ni Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. bilang bagong Philippine National Police chief.

PBBM prinomote si Nartatez na heneral, full-time PNP chief

Alfred Dalizon Jan 28, 2026
230 Views

ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Lieutenant Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. bilang police general at full‑time hepe ng Philippine National Police (PNP), ayon sa impormasyong nakalap ng Journal Group nitong Miyerkules.

Ang promosyon ni Nartatez bilang police general sa permanenteng estado ay iniutos ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor C. Remulla Jr., alinsunod sa direktiba ng Commander‑in‑Chief, batay sa general order na inilabas ng PNP Directorate for Personnel and Records Management (DPRM).

Ang miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) “Tanglaw‑Diwa” Class of 1992 ay pormal ding naitalaga bilang chief ng PNP simula Enero 22 nitong taon.

Idinaos ang oath‑taking at donning of ranks ni Nartatez sa harap ni Pangulong Marcos Jr. dakong alas-11 ng umaga ng Miyerkules sa President’s Hall sa Malacañang Palace.

Pagkaraan ng isang oras, binigyan siya ng arrival honors sa PNP National Headquarters sa Camp Crame kung saan sinalubong siya ng kanyang Command Group, mga director ng PNP Directorial Staff, at National Operational and Administrative Support Units.

Sa isang maikling mensahe, sinabi ni Nartatez na buong puso niyang tinatanggap ang responsibilidad bilang pinakamataas na opisyal ng pambansang pulisya, at hiniling ang kooperasyon at dedikasyon ng lahat ng tauhan sa kanilang mandato sa sambayanang Pilipino na “serve and protect.”

Nangako rin siyang gagamitin nang buo at maayos ang lahat ng kanilang resources para tuluyang supilin ang ilegal na droga, terorismo, loose firearms at iba pang anyo ng kriminalidad, gayundin ang mga tiwaling pulis.

Pinanindigan ni Nartatez ang kanilang “zero tolerance” policy laban sa mga tiwaling elemento sa pulisya, at tiniyak ang mahigpit na pagpapatupad ng rule of law at pagpapanatili ng propesyonalismo at integridad sa organisasyon sa ilalim ng bisyon ng PNP na Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman, na naka-angkla sa vision ng Pangulo para sa isang Bagong Pilipinas.

Noong Agosto 26, pinalitan ni Nartatez si Gen. Nicolas D. Torre III ng PNP Academy “Tagapaglunsad” Class of 1993 bilang hepe ng PNP.

Itinalaga bilang general manager ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) noong Disyembre, si Torre ay opisyal na nag‑optional retirement mula sa PNP noong nakaraang linggo, ayon sa PNP‑DPRM.