BBM2

PBBM: Red carpet, di red tape dapat ilatag sa mga magnenegosyo sa PH

Chona Yu Jan 19, 2024
149 Views

SA halip na red tape, red carpet ang dapat na ilatag ng gobyerno sa mga nagbabalak na magnegosyo sa bansa.

Pahayag ito ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa inagurasyon ng petrochemical manufacturing ng JG Summit Olefins sa Batangas.

Sa ganitong paraan, sinabi ni Pangulong Marcos na ito ay para dumami pa ang mga lokal at dayuhan na mamumuhunan sa Pilipinas.

Binigyang diin ni Pangulong Marcos na hindi dapat maging pabigat ang gobyerno sa mga negosyo.

Kaya naman naniniwala si Pangulong Marcos na hindi dapat tinataasan masyado ang buwis sa mga ito at hindi hinihigpitan para maging madali sa kanila ang pagpapalago ng negosyo.

Ayon kay Pangulong Marcos, ito ang magiging papel ng mga bagong nadagdag sa kanyang economic team na sina Finance Secretary Ralph Recto at Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Frederick Go.

Tinukoy ni Pangulong Marcos ang paglikha ng maraming trabaho, pagpapalago ng ekonomiya, pagpapataas ng kita, pang-eengganyo ng investors at pagtuklas ng mga oportunidad na magreresulta sa pag-unlad ng bansa.