Calendar

PBBM sa ASEAN: Paigtingin digital literacy ng kabataan sa rehiyon
KUALA LUMPUR, Malaysia – Hinikayat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na paigtingin ang digital literacy at resilience ng kabataan sa rehiyon bilang hakbang laban sa lumalalang online scams at iba pang banta sa cyberspace.
Sa kanyang talumpati sa ASEAN Leaders’ Interface with ASEAN Youth na bahagi ng 46th ASEAN Summit, binigyang-diin ng Pangulo ang mahalagang papel ng kabataan sa pagbubuo ng isang people-centered ASEAN community.
“Ang mundo natin ay mabilis na nagbabago, dulot ng teknolohiya at iba pang pag-unlad sa digital na larangan,” ani Pangulong Marcos sa pakikipagdayalogo niya sa mga kabataan ng ASEAN.
Gayunman, iginiit niya na kaakibat ng mga oportunidad sa digital age ay ang mga panganib gaya ng online scams, cyberbullying, misinformation, disinformation, at maling paggamit ng Artificial Intelligence (AI).
“Kailangang bigyan natin ang ating kabataan ng digital resilience — ang kakayahang maging mapanuri at ligtas sa paggamit ng teknolohiya, at magamit ito upang mapalakas ang kanilang tinig at ambag sa pag-unlad ng ASEAN,” ayon sa Pangulo.
Hinikayat din ng Pangulo ang kabataan na maging aktibo sa mga kolektibong hakbangin upang tugunan at bawasan ang epekto ng climate change, at binigyang-diin ang kanilang papel sa pagtataguyod ng isang mas matatag at masustenable na kinabukasan.
Sinabi rin ng Pangulo na patuloy na sinusuportahan ng Pilipinas ang mga inisyatiba ng kabataan para sa kalikasan, gaya ng matagumpay na pagdaraos ng ASEAN Youth Climate Action and Disaster Resilience Conference sa Maynila noong Mayo 1–2.
“Bilang mga pinuno ng ASEAN, dapat tayong magkaisa at maghatid ng malinaw na mensahe: habang binibigyan natin ng kasangkapan ang kabataan at mamamayan para sa resiliency, dapat din nating pagsama-samang protektahan ang kalikasan laban sa pinsala at pagkasira,” dagdag ng Pangulo.