PBBM

PBBM sa BOC, DA: Anti-Agri Sabotage Act palakasin pa

Chona Yu Dec 14, 2024
71 Views

KINALAMPAG ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Bureau of Customs (BOC) at Department of Agriculture (DA) na palakasin pa ang pagpapatupad ng Republic Act (RA) 10845 o ang Anti-Agricultural Sabotage Act of 2016.

Ginawa ni Pangulong Marcos ang utos matapos ang inspeksyon sa mga kontrabandong mackerel na nagkakahalaga ng P178.5 milyon sa Manila nitong Sabado.

Ayon kay Pangulong Marcos, kailangan ng mas malakas na aksyon laban sa mga smugglers na nagdudulot ng kaguluhan sa supply chain na malaki ang epekto sa presyo ng mga produktong pang-agrikultura sa lokal na pamilihan.

Itinuturing naman ng Pangulo na tagumpay ang operasyon dahil sa ang kontrabandong mackerel ang kauna-unahang kaso na isinampa sa ilalim ng Anti-Agricultural Sabotage Act ng 2016.

“At ito’y, gaya ng sinabi ko, ang kauna-unahang kaso sa ilalim ng bagong batas ng Anti-Agricultural Sabotage Act. Kaya’t nakipag-usap ako sa Bureau of Customs, at nakipag-usap din ako sa Department of Agriculture, at kailangan pa nating palakasin ito,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Pinangunahan ni Pangulong Marcos ang inspeksyon sa 21 container vans ng mga frozen na mackerel sa Port Area sa Manila.

Ang kargamento ay nasabat ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at ng Manila International Container Port (MICP), kasabay ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng DA.

Nagkakahalaga ang mga frozen goods ng P178.5 milyon.

“Ang naging susi rito ay ang koordinasyon sa pagitan ng iba’t ibang ahensya. ‘Yun lagi ang pinakamahalaga dahil ang iba’t ibang ahensya ay nagtulungan, mula sa simula hanggang sa dulo. Dahil ang end-consumer nito, DSWD (Department of Social Welfare and Development),” sabi ni Pangulong Marcos.

Ang mga nakumpiskang mackerel ay ipapamahagi sa mga pamilyang nasa evacuation centers na apektado ng mga kamakailang kalamidad, sa pamamagitan ng DSWD at iba pang grupo tulad ng Bureau of Corrections (BuCor).

Nilinaw naman ng BFAR na ang mackerel ay ligtas para sa pagkonsumo ng tao.

Noong Setyembre 28 at 29, dumating sa MICP ang kabuuang 58,800 karton mula sa 21 container ng frozen mackerel mula sa China.