Aerial Shot Ang aerial shot mula sa Luneta Grandstand kung saan ipinagdiriwang ng mga Muslim ang Eid’l Fitr umaga ng Lunes.

PBBM sa mga Pinoy: Yakapin ang pakikiramay, inclusivity

Jon-jon Reyes Mar 31, 2025
25 Views

NAKIISA si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa bansa sa pagdiriwang ng Eid’l Fitr, na kinikilala bilang oras ng marangal na pagsamba, malalim na pagninilay at taimtim na panalangin para sa komunidad ng mga Muslim.

Sa kanyang mensahe, hinikayat ng Pangulo ang mga Pilipino na yakapin ang inclusivity sa pamamagitan ng pagpapaabot ng tulong sa mga nangangailangan.

Pinaalalahanan din ng Pangulo ang bawat mamamayan sa kanyang responsibilidad sa isa’t isa, at hinimok na itaguyod nang may dedikasyon at pananampalataya ang pagbuo ng isang mas pantay at mapayapang Bagong Pilipinas.

Aniya, mapalad ang mga Pilipino na makasama ang mga kapatid na Muslim sa pagdiriwang nila ng Eid’l Fitr na siyang pagtatapos ng Ramadan. Ito’y panahon ng marangal na pagsamba nang may malalim na pagninilay at taimtim na panalangin.

Sa diwa ng Festival of Breaking the Fast, ito’y higit na nagpapatibay sa pamilya at pakikipagkaibigan pati na rin sa pagkakaisa, pahayag ng Pangulo.

Higit pa sa mga pagpapahalagang binigyang-diin ng Ramadan, sana’y patuloy na maging inspirasyon ang bawat isa sa pag-abot ng tulong at sa paglilingkod sa mga nangangailangan, dagdag pa niya.

Sinabi ng Pangulo na hangad niya ang buhay at pamayanang may pagkakaisa at pagmamahalan, at nagpaalala na huwag kalimutan ang pananagutan sa isa’t isa.
Nawa’y ang kabaitan, nakakaengganyong pag-uusap at mga kasiya-siyang aktibidad na nagsasama-sama ang komunidad ay maging gabay ng lahat, aniya.

Patuloy na isama ang mga birtud ng dedikasyon at pananampalataya upang mabilis na makamit ang isang mas pantay at mapayapang Bagong Pilipinas, pagtatapos ni Pangulong Marcos.

Samantala, naging mapayapa ang pagdiriwang ng mga Muslim ng Eid’l Fitr sa Luneta Grandstand sa Rizal Monument, Rizal Park, Ermita, Manila. Umabot sa mahigit kumulang 10,000 ang dumalo noong Lunes ng umaga.

Ganoon din ang sitwasyon sa may Globo de Oro sa Quiapo, Manila.

Tiniyak ng mga miyembro ng Manila Police District (MPD), sa pamumuno ni MPD Chief Arnold Thomas Ibay, ang seguridad ng mga Muslim sa mahalagang okasyon.