BBM1 Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

PBBM sa pagkakasundo: ‘Wag magtakda ng kondisyon kung tapat ka’

68 Views

MULING iginiit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kanyang kahandaang makipag-ayos sa kanyang dating katambal sa halalan, si Pangalawang Pangulong Sara Duterte, at sa pamilya Duterte, ngunit mariing tinanggihan ang ideya ng pagtatakda ng anumang kondisyon bago maisagawa ang mga pag-uusap.

Binigyang-diin ng Pangulo na ang usapang pagkakasundo ay dapat walang kundisyon kung tunay na nais ng kabilang panig na maresolba ang hidwaang pampulitika na humahadlang sa pag-unlad ng bansa.

“Hindi, hindi gano’n ang pagkakasundo. Hindi ka dapat nagtatalaga ng kondisyon kung gusto mong makipagkasundo. Kung tapat ka, maghanap ka ng pagkakasundo,” ani Pangulong Marcos, bilang tugon sa mga ulat na may ilang kaalyado ng mga Duterte ang humihingi ng konsesyon mula sa kanyang administrasyon.

Kamakailan, nagbigay ng matitinding pahayag ang Pangalawang Pangulo laban sa ilang mahahalagang hakbang ng administrasyon.

Sa isang panayam ng media matapos ang ika-46 na ASEAN Summit sa Malaysia noong Martes ng gabi, sinabi ng Pangulo na bukas siya sa direktang pag-uusap upang mas maunawaan at maresolba ang anumang isyu.

“Pero ‘yung sasabihin mo, ‘Hindi ako makikipag-usap hangga’t ibigay mo sa akin ito, ito,’ eh walang pupuntahan. Tapos na. Hindi ‘yan pagkakasundo,” ani Marcos.

“Hindi na nga ‘yan negosasyon. Panghihingi na ‘yan. Pagtatakda ng kondisyon. Wala nang patutunguhan. Tapos na ang usapan,” dagdag pa niya.

Aminado ang Pangulo na bukas siyang makipag-usap nang walang hinahawakang paghuhusga.

“Isipin ko lang: lahat ng hiningi mo, lahat ng hinanakit mo, eh kung kaya ko ayusin, ‘di ayusin ko para tapos na ‘to. Ayoko nga ng kaaway,” ani Marcos. PCO