Calendar

PBBM sinuportahan sa pagbabalik kapangyarihan sa NFA na pababain presyo ng bigay
NANINIWALA at suportado ni Senador Joel Villanueva ang panukala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ibalik ang regulatory powers ng National Food Authority (NFA) upang direktang makialam sa merkado ng bigas at tulungan ang parehong mamimili at magsasaka.
“We definitely agree and are supportive of the President on this,” ani Villanueva. “Kailangan na pong ibalik sa National Food Authority (NFA) ang regulatory functions nito at kapangyarihang bumili at magbenta ng bigas para makatulong sa pagpapababa ng presyo nito sa merkado.”
Ipinabatid ng senador na labis nang naaapektuhan ang mga lokal na magsasaka dahil sa mababang presyo ng palay at hindi tiyak na kita.
“Mapapaigting din nito ang proteksyon para sa ating mga magsasaka na umaaray na sa mababang farmgate prices ng palay at kawalan ng kita,” dagdag niya.
Kasabay nito, tiniyak ni Villanueva na kikilos ang Senado upang repasuhin ang mga umiiral na batas ukol sa NFA.
“On our part in the Senate, we will review the existing laws on the functions of the NFA and propose amendments and safeguards to strengthen and professionalize the agency,” aniya.
Matatandaang nabawasan ang kapangyarihan ng NFA matapos ipatupad ang Rice Tariffication Law noong 2019.
Tinanggal nito ang monopolyo ng ahensya sa pag-aangkat ng bigas na layuning pababain ang presyo at patatagin ang suplay.
Gayunpaman, binigyang-diin ng ilang grupo na ito ay nagdulot ng mas malawak na pagbabago sa presyo at humina ang proteksyon para sa mga magsasaka.
Para kay Villanueva, mahalagang hakbangin ng Pangulo ang muling magbibigay-kapangyarihan sa NFA upang mapanatiling abot-kaya ang presyo ng bigas habang binibigyang-lakas ang kabuhayan ng mga magsasaka, lalo na sa gitna ng mga krisis sa pandaigdigang suplay.