Calendar
PBBM, Speaker Dy dumalo sa 125th anniv ng PCG
NAKIBAHAGI si House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III kasama si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo ng Philippine Coast Guard (PCG).
Dumalo ang Speaker sa Eva Macapagal Super Terminal sa South Harbor, Maynila, kasama sina Department of Transportation Acting Secretary Giovanni Lopez, Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla at PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan.
May temang “One Sea, One Mission, One Legacy: 125 Years of Guarding the Nation’s Maritime Future” ang pagdiriwang.
“Sa paggunita natin sa 125 taon ng Philippine Coast Guard, harapin natin ang hinaharap nang may kumpiyansa at panibagong pangakong palakasin ang kakayahan at kahandaan nito sa pagtugon sa mas masalimuot na mga hamon sa karagatan,” pahayag ni Pangulong Marcos, Jr.
Dapat tiyakin ng mga hakbang para sa seguridad sa karagatan ang pangangalaga sa buhay at kabuhayan ng mga Pilipino, lalo na ng mga mangingisda at mga komunidad sa baybayin, habang pinangangalagaan din ang pambansang interes ng bansa.
“Ang mga katubigang nag-uugnay sa ating mga isla ay dapat maging bukal ng oportunidad para sa ating mamamayan, hindi pinagmumulan ng takot o kawalan ng katiyakan,” aniya.
Ang pagdalo ni Speaker Dy ay kasunod ng pagpasa ng House of Representatives sa House Bill No. 11562, o ang panukalang Revised Philippine Coast Guard Law, na naglalayong palakasin ang ahensiya sa pamamagitan ng mga reporma sa organisasyon, pagpapahusay ng kakayahang operasyonal, at pagpapabuti ng mga benepisyo para sa mga tauhan nito at kanilang mga pamilya.
Naipasa sa huling pagbasa ang panukala noong Oktubre 6 na layuning tugunan ang lumalaking pangangailangan ng PCG sa pagharap sa mga aksidente sa karagatan, ilegal na aktibidad sa dagat, mga emerhensiyang pangkapaligiran at mga banta sa seguridad ng karagatan ng bansa.
Nilalayon din nitong tugunan ang mga pangangailangan sa organisasyon at tauhan na nakaaapekto sa kakayahan ng ahensiya na gampanan ang patuloy na lumalawak nitong mga responsibilidad.
Makikita ang pangangailangang palakasin ang PCG sa mga nagawa nito sa operasyon na binanggit ni Pangulong Marcos.
Iniulat ng Pangulo na nagsagawa ang ahensiya ng mahigit isang milyong inspeksiyon sa mga sasakyang pandagat bago ang kanilang pag-alis sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa nakalipas na taon.
Nailigtas o nailikas din bago pa man ang sakuna ang halos 95,000 katao, habang halos 138,800 indibidwal naman ang natulungan sa panahon ng mga kalamidad at emerhensiya.
Sa ilalim ng Seksyon 4 ng panukalang batas na inaprubahan ng Kamara, partikular na inaatasan ang PCG na “magbigay ng tulong sa mga taong at sasakyang pandagat na nasa panganib at magsagawa ng search and rescue sa panahon ng mga aksidente sa karagatan.”
Kabilang din sa mga tungkulin nito ang pagpapatupad ng mga pamantayan sa kaligtasan ng mga sasakyang pandagat, pagpapanatili ng mga pasilidad para sa nabigasyon, at pangangalaga sa kapaligirang pandagat.
Layunin ng mga probisyong ito na maprotektahan ang mga pasahero, mangingisda, komunidad sa baybayin, at iba pang Pilipino na umaasa sa ligtas at maayos na katubigan para sa kanilang buhay at kabuhayan.
Pinalalakas din ng panukalang batas ang kakayahan ng PCG na tumugon sa polusyon sa karagatan, kabilang ang mga oil spill, at tumulong sa pagpapatupad ng mga batas laban sa ilegal na pangingisda, human trafficking, smuggling, at iba pang krimen sa dagat.
Itinatakda naman sa Seksyon 57 ang pagpapaunlad ng mga pasilidad at kagamitan, kabilang ang rescue at hospital ship, mga sistema para sa pagsubaybay at pagbabantay sa karagatan at komunikasyon, mga pasilidad sa pantalan, mga sasakyang panghimpapawid, at mga himpilan ng himpapawid.
Layunin nitong palawakin ang saklaw ng operasyon ng ahensiya at pahusayin ang kakayahan nitong tumugon sa mga emerhensiya.

