Martin

PBBM, Speaker Romualdez nakakuha ng high trust, approval survey ratings

62 Views

NAKAKUHA sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng high trust at approval ratings sa pinakahuling “Boses ng Bayan” national survey na isinagawa ng RP-Mission and Development Foundation Inc. (RPMD).

Sa independent at non-commissioned survey, na isinagawa mula Marso 18 hanggang 23, ay nakakuha si Pangulong Marcos ng 79 porsyentong trust rating at 76 porsyentong approval rating.

Si Speaker Romualdez naman ay nakapagtala ng 75 porsyentong trust rating at 72 porsyentong approval rating.

Sa kaparehong survey ay nakapagtala naman si Vice President Sara Duterte ng 77 porsyentong trust at 74 porsyentong approval rating samantalang si Senate President Juan Miguel Zubiri ay may 73 porsyentong trust at 70 porsyentong approval rating.

Ayon sa RPMD, layunin ng survey na makapagbigay ng “insightful analysis” sa trust at approval ratings ng apat na pinakamataas na lider ng gobyerno.

Sa kaparehong survey ay nakakuha ng positibong rating mula sa publiko ang Senado na may 83 porsyentong trust rating at 80 porsyentong approval rating.

Ang Kamara de Representantes ay nakapagtala naman ng 78 porsyentong trust rating at 75 porsyentong job satisfaction rating.

Kinuha sa “Boses ng Bayan” survey ang opinyon ng 10,000 respondent na pinili mula sa 67.75 milyong rehistradong botante. Ang dami ng bawat lugar ay ibinatay sa opisyal na voter statistics ng bansa.

Ito ay mayroong margin of error na +/-1 porsyento at confidence level na 95 porsyento.