Calendar
PBBM, Speaker Romualdez pinuri sa matagumpay na partisipasyon sa WEF
NAGPAABOT ng marubdob na pagbati ang isang Mindanao congressman kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez dahil sa matagumpay na pakikilahok ng Pilipinas sa World Economic Forum (WEF) sa Davos, Switzerland.
Sinabi ni Surigao del Norte 2nd Dist. Cong. Robert Ace Barbers na ang presenisya ni Speaker Romualdez sa ginanap na WEF ay isang maliwanag na pagpapatunay sa maigting na pagnanais ng pamahalaan na makahikayat ng maraming “foreign investors” para mapanatili ang pagpapa-unlad sa ekonomiya ng Pilipinas o “economic growth”.
Ipinaliwanag ni Barbers na malaking tulong ang naibigay ni Romualdez at iba pang kongresista na kasama sa delegasyon sa Davos, Switzerland upang makahikayat ang Pangulong Marcos, Jr. ng mga “foreign investors” na magtayo ng negosyo sa Pilipinas.
Ayon kay Barbers, pinatunayan lamang nito na talagang determinado at nagpamalas ng “effort” ang Philippine delegation upang mai-angat ang ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng kanilang presensiya at ginawang panghihikayat ng Pangulo sa mga dayuang negosyante.
“The President’s job of convincing foreign businessmen to invest here would be easier if he impresses them with a government that is acting as one in welcoming them. Congratulations to President Marcos, Jr. and Speaker Martin Romualdez,” ayon kay Barbers.
Sinabi naman ni Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus F. Madrona, Chairman ng House Committee on Tourism, na malaki ang maitutulong sa ekonomiya ng bansa ang paglalagak ng puhunan ng mga dayuhang negosyante dahil makapagbibigay ito ng maraming trabaho.
Ipinaliwanag ni Madrona na tiyak na marami ang mabibigyan ng oportunidad para makapag-trabaho sakaling magtayo ng negosyo dito sa Pilipinas ang mga foreign businessmen. Sapagkat maraming Pilipino ang nawalan ng pagkakakitaan at trabaho sapul ng pumutok ang COVID-19 pandemic na nagpalumpo sa ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Madrona, maituturing na isang malaking kaginhawahan para sa nakararaming Pilipino na walang trabaho ang pagkakaroon ng mga dayuhang negosyo sa bansa dahilan sa mabibigyan sila nito ng mga trabaho bukod pa sa ganansiyang makukuha ng gobyerno.