dong gonzales

PBBM, Speaker Romualdez tulungan para mahigitan WB forecast—SDS Gonzales

140 Views

HINAMON ni Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr. ang kanyang mga kasamahan sa Kamara de Representantes na tulungan sina Pangulong Ferdinand Marcos at Speaker Ferdinand Martin Romualdez upang malagpasan pa ng bansa ang inaasahang paglago ng ekonomiya nito.

Ito ang sinabi ni Gonzales matapos na itaas ng World Bank (WB) sa 6 porsyento ang inaasahan nitong ilalago ng gross domestic product ng bansa ngayong 2023.

Mas mataas ito sa kanilang unang naging pagtaya na 5.4 hanggang 5.6 percent.

Sa halip na bigyang pansin ang ingay sa pulitika, sinabi ni Gonzales na mas makabubuti kung tutulungan nalang si Pangulong Marcos at si Speaker Romualdez para magpatuloy ang paglago ng ekonomiya ng bansa.

“Let’s ignore any political noise that comes our way. Let’s remain focused on helping President Ferdinand Marcos Jr. and our Speaker Martin Romualdez in keeping the economy on the high growth path by enhancing conditions that would attract investments and create job and income opportunities for our people,” ani Gonzales.

Naniniwala ang Pampanga solon na hindi imposibleng mapataas pa ang economic growth ng Pilipinas basta’t huwag lang magkakaroon ng malaking kalamidad.

Kung pagbabatayan kasi aniya ang unang siyam na buwan ng Marcos Jr. administration ay talaga namang sumipa ang ekonomiya ng Pilipinas.

Sa huling dalawang quarter ng 2022 ay nakapagtala ng 7.8 porsyento at 7.2 porsyentong paglago sa ekonomiya ng bansa habang pumalo naman ito sa 6.4 porsyento sa unang quarter ng 2023.

Aminado naman si Gonzales na marami pang dapat gawin ang Kongreso upang mapagbuti pa ang ekonomiya ng Pilipinas at makahikayat ng mas maraming mamumuhunan.

Panawagan pa nito sa Mababang Kapulingan na magdoble kayod para makapagpasa ng mga polisiya at reporma na magpapalago pa lalo sa ating ekonomiya at nang maiahon sa kahirapan ang mga Pilipino.

Kasama na aniya dito ang pagsusulong sa mga panukala na makapang hihikayat ng mga mamumuhunan sa bansa.

“But much still has to be done. Let us continue working on measures that would improve the country’s economic conditions and the investment climate. Let us do the additional reforms and improvements businessmen and investors, and especially our people, are clamoring for,” diin ng kongresista.